DINAYO PA TALAGA namin ang Caridad, Cavite City kung saan opisyal na nagkaroon ng groundbreaking para sa ipatatayong paaralan at halfway home ng 2009 CNN Hero of the Year na si Efren Penaflorida. Kasama ang crew ng SNN, sinilip namin ang loteng binili ng grupo nina Efren, ang Dynamic Teen Company, kung saan ipatatayo rin ang learning center na matagal na niyang gusto.
“Actually yes, matagal ko nang gustong magpatayo ng isang learning center. Saka halfway home na rin ito para roon sa mga batang walang matirahan. Bulk of the prize money na nakuha namin mula sa CNN Hero of the Year, e, rito na napunta,” pahayag ni Efren. With divine intervention daw ang pagpili nina Efren ng location. “Pinag-pray talaga namin ito kasi ‘yung lugar na ‘to, nasa gitna siya nu’ng mga lugar na pinupuntahan namin. Kaya ito ‘yung location na napili namin,” pagpapatuloy ng binata.
Bukod sa kanilang location sa Cavite, may tinitingnan na rin daw na lote sina Efren sa Quezon City para sa kanilang branch sa siyudad. Well-attended ang naturang groundbreaking. Dumalo ang ilan sa mga malalapit na kaibigan at supporters ni Efren. Pati ang fashion designer na si Rhett Eala ay nandoon din. Nagkataon din pala na noong araw na ‘yun ay kaarawan mismo ni Efren, kaya pala may isang malaking cake sa gitna ng entablado.
Masaya si Efren dahil madaling-araw pa lang daw, e, marami na ang bumabati sa kanya. Pero nang tinanong namin kung binati na rin ba siya ni Angel Locsin, ang tanging naging sagot niya, “Ay, hindi.” Kaya sinundutan na namin ng tanong kung umaasa pa siyang batiin pa siya ni Angel noong araw na yon, “hindi na po” na lang ang naging sagot niya.
Kusa na lang nag-die down ang pagdidiga ni Efren kay Angel, lalo pa nu’ng umingay ang isyung pinopormahan muli ni Luis Manzano ang ex-girlfriend. Ayaw na rin sigurong masangkot ni Efren sa gulo ng showbiz kaya siya na ang kusang umatras. Kapag lumalapit nga kami sa kanya at sinasabi sa kanyang iinterbyuhin namin siya, ang nagiging magalang na disclaimer niya lagi ay, “’Wag n’yo po akong tanungin ng iba, ha? Hindi naman po ako showbiz na tao.”
Bakas naman ang kasiyahan sa mukha ni Efren dahil nga sa unti-unti nang natutupad ang kanyang mga pangarap. Nagulat din siya nang sorpresahin siya ni Enchong Dee sa naturang groundbreaking. “Dumating nga si Enchong dito kanina, pero ‘di na siya nakaabot sa groundbreaking kasi nagmamadali rin siya. Nanggaling lang siya ng Batangas, nag-taping. Pero nakatutuwa na dumaan siya rito para pasinayaan ang aming groundbreaking,” ani Efren.
PANALO ANG MGA tinaguriang Oscar Virgins sa kakatapos lang na 82nd Academy Awards. Nakatutuwang mismong ex-wife pa ni James Cameron ang nakatalo sa kanyang pelikula na halos bilyon na ang kinita sa Hollywood box-office. Pati ang pagkakapanalo ni Sandra Bullock ay memorable din considering na ilang taon na siya sa Hollywood, ito pa lang ang kauna-unahang nomination at Oscar win niya. Bongga, ‘di ba!