MULING MAGBIBIDA si Ejay Falcon bilang pinakabagong super hero sa “I Heart Kuryente Kid” sa Wansapanataym kapareha si Alex Gonzaga. Dream pala ni Ejay na gumanap bilang super hero kaya super happy siya at natupad ito. Bibigyang-buhay niya ang karakter na si Tonio na nang tamaan ng kidlat ay nagkaroon ng super powers.
In his own little ways, masasabing isa ring super hero sa tunay na buhay si Ejay. Tinulungan niya ang isang kaibigan nang magkaroon ito ng isang matinding karamdaman. Dahil marami raw siyang taping noon, sinagot nito ang hospital bills ng kaibigan.
Ganu’n din sa bayan niya sa Mindoro, mula nang kumita na ay nagbibigay siya ng regalo sa mga bata. Naaalala raw kasi niya nu’ng bata pa siya, nagbabahay-bahay siya para magkaroon siya ng aginaldo. Ngayong meron na siya kahit papaano, nagkukusa na raw siyang gawin ‘yun sa mga bata.
Ngarag-ngaragan si Ejay sa taping ng Wansapanataym dahil nanggagaling pa siya sa Passion De Amor, pero sinisiguro niyang may energy siya especially si Alex nga ang kapareha niya na napakalakas ng personality at laging in high-energy.
“Siyempre, sasabay ka sa kanya kasi lagi siyang in high spirit. Minsan kahit lalambot-lambot na ako sa puyat at pagod, nadadala ako ni Alex, kasi nga buhay na buhay siya,” kuwento pa ni Ejay.
May mga nagsasabing “mahina” pa sa pag-arte si Ejay, pero habang tumatagal ay napapansin na ang husay niya. Aminado naman si Ejay na kulang pa siya niyon, but as time goes by ay nahahasa na siya at puwede nang makipagsabayan sa pag-arte sa mga kaliga niyang leading men sa ABS-CBN.
“Tanggap ko naman po ‘yun lalo na nu’ng baguhan pa lang ako at kalalabas ko lang sa Bahay ni Kuya. Pero nag-aral po ako, nag-workshop para hindi naman nakahihiya sa mga katrabaho ko.”
Hindi lang gumagaling, kundi lalo pang gumuguwapo si Ejay ngayon kaya may “tulog” ang iba pang leading men ng nasabing network.
Anyway, ang I Heart Kuryente Kid ay mula sa panulat ni Philip King at sa direksyon ni Andoy Ranay at nagsimula na kahapon, Linggo, Agosto 30.
RAP EN ROL
By Ronald M. Rafer