NAGHANDA ng food packs ang Kapamilya actor na si Ejay Falcon para ibigay sa mga frontliners na sumasabak sa COVID-19 crisis.
Ayon kay Ejay, sila mismo ng girlfriend niyang si Jana Roxas ang nagluto ng mga pagkain. Bumili din daw sila ng iba pang pagkain para madagdagan ang ipinamigay nila.
“Nagluto kami ng chicken-pork adobo ni Jana sa tulong ng ilang kaibigan. Kami na rin ang nag-pack. Tapos dinala namin yung food packs sa Diliman Doctors Hospital. Yung iba naman ibinigay namin sa mga taong nasa daan na nagugutom,” mensahe sa amin ni Ejay thru Viber.
Patuloy ng aktor, “Napakasarap po sa pakiramdam. Kasi napakaliit na bagay lang nung ginawa namin kumpara sa kanilang sakripisyo para sa ating kaligtasan. Saktong lunch namin dinala yung mga pagkain para maibsan yung pagod at gutom nila. Simpleng way ng pagtulong lang po, sana napasaya sila kahit papaano.”
Samantala, dahil sa COVID-9 pandemic ay hindi na nagkaroon ng farewell presscon ang teleseryeng Sandugo na pinagbibidahan nina Ejay at Aljur Abrenica. Six months ding umere sa ABS-CBN ang soap opera at mabuti na lang daw bago magsimula ang enhanced community quarantine ay natapos na nila ang taping ng show.
Kuwento niya, “Yung last day po namin ay yung gabi na nag-announce ng parang lock down and bawal na mag-taping. Bale sumakto po sya. Buti nga natapos pa namin.
“Parang hindi ko na-imagine kung ano mangyayari kung hindi kami natapos. Baka naka-hang siguro kami or tatapusin na lang basta – hindi ko alam, eh. Pero sabi ko nga, sa awa ng Diyos, buti natapos namin.”
After Sandugo ay maraming plano at gustong gawin si Ejay pero dahil nga sa COVID-19 crisis kaya hindi pa raw niya alam ang mangyayari.
“Lahat po tayo ay naapektuhan — kabuhayan natin, yung mga pinlano ko after Sandugo. Ang dami ko sanang gustong gawin na di ko magagawa ngayon kasi bawal po lumabas.
“Sobra rin akong nalulungkot sa araw-araw pag nakikita ko yung tinamaan ng virus at mga taong nahihirapan maghanap buhay para meron silang ipapakain sa pamilya nila. Yung kalungkutan ko po sobra, pag nababalitaan ko at napapanood sa news yung mga nangyayari, apektado talaga ako.
“Sa ngayon wala pa akong balita kung merong bagong show. Di ko pa maisip po dahil sa nangyayari sa ngayon. Mas dun po ang focus ng lahat, eh,” huling pahayag ng aktor.