HINDI NA nagkaroon ng farewell presscon para sa teleseryeng Sandugo na pinagbibidahan nina Ejay Falcon at Aljur Abrenica kaya sa Viber na lang namin tinanong si Ejay sa reaksyon niya na nag-end na sa ere ang huli niyang teleserye sa ABS-CBN.
Six months din halos ipinalabas sa afternoon timeslot (pagkatapos ng Love Thy Woman) ang Sandugo.
Ani Ejay, “May lungkot po akong naramdaman kasi mami-miss ko lahat ng tao dito, casts na magagaling na parang naging pamilya ko na po. May mga nabuo ring pagkakaibigan dahil sa Sandugo at sigurado akong mami-miss ko yon, including yung mga kasamahan namin sa production kasi napakabait po nilang laha. Pero ganun talaga matatapos at matatapos po ang isang project.”
Masuwerteng bago nag-announce ng community quarantine at suspension sa tapings ng mga teleserye ang ABS-CBN ay natapos na nina Ejay at Aljur ang taping ng Sandugo.
Kuwento niya, “Yung last day po namin ay yung gabi na nag-announce ng parang lock down and bawal na mag-taping. Bale sumakto po sya. Buti nga natapos pa namin.
“Parang hindi ko na-imagine kung ano mangyayari kung hindi kami natapos. Baka naka-hang siguro kami or tatapusin na lang basta – hindi ko alam, eh. Pero sabi ko nga, sa awa ng Diyos, buti natapos namin.”
After Sandugo ay maraming plano at gustong gawin si Ejay pero dahil nga sa COVID-19 crisis kaya hindi pa raw niya alam ang mangyayari.
“Lahat po tayo ay naapektuhan — kabuhayan natin, yung mga pinlano ko after Sandugo. Ang dami ko sanang gustong gawin na di ko magagawa ngayon kasi bawal po lumabas,” sambit niya.
“Sobra rin akong nalulungkot sa araw-araw pag nakikita ko yung tinamaan ng virus at mga taong nahihirapan maghanap buhay para meron silang ipapakain sa pamilya nila. Yung kalungkutan ko po sobra, pag nababalitaan ko at napapanood sa news yung mga nangyayari, apektado talaga ako.
“Sa ngayon wala pa akong balita kung merong bagong show. Di ko pa maisip po dahil sa nangyayari sa ngayon. Mas dun po ang focus ng lahat, eh,” dugtong niya.
Bilang isang army reservist ay plano rin ng aktor na tumulong sa mga frontliners. Naghihintay lang daw siya ng go signal mula sa kanilang commanders.
“Gusto ko talaga na kahit sa maliit na paraan ay makatulong at maka-inspire ako ng mga tao. Alam po ng mga kasamahan ko sa Airforce na palagi ako andito para sa ganung bagay, at napag-uusapan na po yan. May inaayos lang po para sa go s ignal from our commanders,” deklara pa ni Ejay.