Ejay Falcon inalala ang pagiging kargador sa probinsya bago naging PBB big winner

Leo Bukas

MULING inalala ni Ejay Falcon ang kanyang kabataan sa pamamagitan ng isang Facebook post. Payat pa ang binata sa larawang ipinost niya sa FB na kuha sa hometown niya sa Bacawan, Pola Oriental Mindoro noong nagkakargador pa siya.

Ang pagbubuhat ng kopra ang  paraan ni Ejay para kumita ng pera at makatulong sa kanyang pamilya.

EJAY FALCON

“Mapagpalang Araw po Mga Kakampi-Kababayan. Share ko lang po. 15 years ago, isa akong ordinaryong binata sa Mindoro na rumaraket bilang kargador para makatulong sa pamilya at pambaon sa School.

“Sako sako ng kopra ang binubuhat ko kasama ang aking mga kaibigan bilang ito ang isa sa pangunahing hanapbuhay samin sa Bacawan Pola Oriental Mindoro,” simulang bahagi ng post ni Ejay.

Patuloy ng binata, “Nakakatuwa pag nakikita ko ang mga pictures ko noon dahil hindi lang pisikal na anyo ang nagbago sakin kundi pati buhay at pagkatao ko.

“Isa itong paalala kung gaano ako kablessed sa buhay dahil sobra sobra pa sa pinangarap ko ang pinagkaloob sa akin, Kaya kahit papano sa abot ng aking makakaya ay pinagsisikapan ko na tumulong ma-bless din ang ibang tao sa aking sariling pamamaraan.”

Pagkatapos ng simpleng pamumuhay sa Mindoro ay lumuwas si Ejay para tuparin ang pangarap niya na lalo pang matulungan ang kanyang pamilya. Nakipagsapalaran sa Maynila si Ejay at nag-audition sa Pinoy Big Brother. Taong 2008 nang maging big winner si Ejay ng PBB Teen Edition Plus.

“Sana nai-inspire ko ang mga kapwa ko Mindoreño lalo na ang mga kabataan na patuloy na magpursige para umasenso sila sa buhay. Huwag matakot Mangarap, Dahil sa PANGARAP NAG UUMPISA ANG TAGUMPAY,” mensahe ng aktor gamit ang mga hashtag, #KayaMoYan at #ProudMindoreño.

Samantala, nagpadala kami ng mensahe kay Ejay asking kung may balak ba siyang pasukin ang pulitika. Kapansin-pansin kasi ang madalas na paglilibot ng aktor sa kanyang lugar sa Mindoro para kumustahin at bigyan ng tulong ang kanyang mga kababayan.

Sagot sa amin ni Ejay, “Tito Leo, maraming salamat po… May isang buwan pa po.”

Sa October pa ang filing of candidacy kaya may halos isang buwan pa si Ejay  para pag-isipan at magdesisyon sa kung anong posisyon ang kanyang tatakbuhin.

Previous articleKantang Shoot! Shoot! ni Andrew E noong 2013 biglang sumikat sa Tiktok, pelikula na ngayon
Next articleClaudine Barretto: ‘Wala akong utang kahit na kanino, kahit kay Ms. Jinkee Pacquiao’

No posts to display