NGAYONG SABADO, November 8, ipalalabas ang isang espesyal na episode ng Maalaala Mo Kaya, kung saan bida si Ejay Falcon. Tungkol ito sa nakaaantig na kuwento ng isang preso sa Tacloban na nagngangalang Jomar na ginawa ang lahat para sa kanyang pamilya at kapwa nang manalasa sa kanilang probinsiya ang bagyong Yolanda.
Noong mawasak ang isa sa mga gate ng kulungan dahil sa bagyo, agad na inalala ni Jomar ang kanyang mga kaanak. Kung kaya’t gumawa siya ng paraan upang hanapin at iligtas ang mga ito. Pero sa kasamaang palad, kabilang sa mga nasawi sa hagupit ng bagyo ang ina at tatlong kapatid ni Jomar. Matapos mailibing ang mga ito, ginawa pa rin ni Jomar ang nararapat… ang sumuko at bumalik sa kulungan.
Kasama ni Ejay sa special episode na ito ng MMK sina Sharmaine Arnaiz, Lito Pimentel, Art Acuna, at ilan pang magagaling na artista.
Madugo raw ang naging taping nila para sa special episode na ito ng MMK. Dalawang araw lang normally ang ginugugol para sa isang episode nito.
“Pero inabot ng apat na araw ang taping namin. Pero sulit naman lahat ng pagod at hirap namin. Kasi isang napaka-espesyal na episode ang mapapanood ng lahat. At masaya po ako na naging bahagi nito.”
Kasunod na aabangan ay ang ginagawa niya ngayong bagong Kapamilya teleserye na Passion de Amor na remake ng isang Mexican telenovela.
Kasama ni Ejay sa seryeng ito si Jake Cuenca, Ellen Adarna, Coleen Garcia, at Arci Muñoz.
“Si Ellen po ang kapareha ko. At ‘yong role ko, ito ‘yong pinakabago sa akin. Masasabi ko na gray character siya. Pero ibang-iba kasi sa lahat ng ginawa ko. ‘Di ba… action, drama? Pero ito, ibang-iba. Parang bagong genre na naman ang papasukin ko. Kasi napanood n’yo naman siguro ang original nito. Napanood ko rin po. Hindi pa ako artista noon e, napapanood ko sa bahay dati, so alam ko na rin ‘yong kuwento.”
Sexy at daring ang mga characters ng seryeng ito. Ang mga lalaki ay kadalasang nakahubad sa mga eksena. Gano’n din ba ang role na gagampanan niya sa Pinoy remake ng Passion de Amor?
“Hindi lang naman ako. Marami kami. At matagal na naming pinaghandaan ito. Matagal na itong project na ito. Paglabas ko pa lang ng PBB, na-cast na ako rito. 2009 pa kasi ito.”
Maganda na ang built ng kanyang pangangatawan. Confident na siya talaga kahit magtabi pa sila ni Jake na parehong nakahubad?
“E… ‘yon nga, pinaghandaan naman namin, e. Hindi lang naman ako, lahat naman kami talaga pinaghahandaan namin. And iyon talaga ang unang requirement. Isa sa mga requirements ng show na talagang kailangan dito maganda ‘yong katawan.”
May nakunan na bang kissing scenes nila ng kapareha niyang si Ellen?
“Wala pa. Actually, hindi pa kami nagkakaeksena. Hindi pa kami nag-taping na magkakasama kami. Nagkasama pa lang kami sa workshop. At saka sa team building and sa mga training na… horseback training, ‘yong mga gano’n.”
Kailan ba ang target airing nito?
“Sabi sa amin, first quarter next year. Kasi parang alanganin na rin ngayon dahil November na.”
Excited siya sa pakikipagtambal kay Ellen?
“Siyempre naman po. Parang lahat ng boys sa cast, excited, e!”sabay tawa ni Ejay.
Dahil magkapareha sila, hindi malayong ma-link sila ni Ellen sa isa’t isa?
“Lahat naman ng napa-partner sa akin, nail-link ako, e. So, hindi na imposibleng mangyari ‘yon.”
Wala naman siyang sabit ngayon, ‘di ba? Single siya?
“Wala na. ‘Di ba nga may mga lumabas na?” pagtukoy niya sa mga naglabasang issue at intriga hinggil sa pagkakaroon nila ng relasyon dati ni Yam Concepcion na itinatanggi pa niya noong una at hindi inaamin.
“No’ng time na ‘yon kasi, may pagkakamali talaga ako. And nakapag-usap na po kami. Nakapag-usap na po kami two months ago. Tinawagan ko po siya. Kasi alam kong may pagkakamali talaga ako. And do’n sa pagkakamali na ‘yon, natututo ka naman, ‘di ba? And ‘yon nga, parang parehas kami na natutunan namin doon na huwag kaming magpadalus-dalos. Kasi masyadong mabilis ‘yong mga pangyayari sa amin. No’ng nag-usap kami, in-explain ko po sa kanya kung bakit nagkagano’n. Sinabi ko po sa kanya lahat. Okey na po kami.”
Rubbing Elbows
by Ruben Marasigan