SA KABILA ng pinagdadaanang pandemya ng bansa ay itinuloy pa rin ni Ejay Falcon ang pagbibigay ng regalo sa kanyang mga kababayan sa Bacawan, Pola Oriental Mindoro nitong Bagong Taon. Umuwi si Ejay kasama ang kanyang girlfriend na si Jana Roxas sa kanyang hometown noong Dec. 29, 2020 para doon salubungin ang 2021.
Taunang ginagawa ni Ejay ang pag-uwi sa Oriental Mindoro para makasama ang pamilya at kababayan at mag-abot ng mga regalo. Nasa pang-11 taon na ito ito ni Ejay na ayon sa kanya ay itinuring na niyang isang panata.
“Parang panata ko na po kasi ito simula nung nag-PBB (Pinoy Big Brother) at ayokong mawala ito o mahinto kahit pa anumang pagsubok ang dumating. Nakakatuwa dahil nakapagbigay din po ako sa isa pang barangay na malapit sa amin — sa Barangay Buhay na Tubig.
“Medyo malungkot lang po dahil yung inaabangan ng mga kabataan na sportsfest, yung basketball league taun-taon ay hindi namin nagawa. Pero sana ngayong 2021 bumalik na sa normal ang lahat at magawa na namin yon,” kuwento ni Ejay sa amin.
Mula nung maging sila ni Jana ay kasa-kasama na ito ni Ejay sa pag-uwi niya sa Mindoro para doon salubingin ang New Year.
Aminado ang aktor na dahil sa mga safety protocols na ipinatutupad ay isang malaking challenge ang ginawa niyang pag-uwi sa probinsya.
“Mahirap po sa totoo lang. Napakahirap talaga. Mula sa pag-uwi pa lang na kailangang may SWAB at RTPCR negative result para di ka ma-quarantine. Kasi siyempre po iisipin mo rin yung mga dadatnan mo na dapat maging safe din sila kaya kailangan talagang sumunod sa safety protocols.
“Pero sabi ko nga, gagawa ng paraan ang Diyos basta maganda ang hangarin mo. Sabi nga di ba, ag gusto may paraan pag ayaw may dahilan, sabi nga di ba? He-he-he!” pahayag pa niya.