HINDI napigilan ng Kapamilya aktor na si Ejay Falcon ang mapaiyak sa ginanap na oath taking ceremony bilang newly-elected vice governor ng probinsiya ng Oriental Mindoro nitong Lunes, June 27. Ginanap ang oath taking sa Capitol in the South na matatagpuan sa bayan ng Roxas na malapit sa capital city ng lalawigan – Calapan. Kasma ni Ejay sa panunumpa ang girlfriend niyang si Jana Roxas.
Sa exclusive interview namin kay Ejay ay ibinahagi ng actor-politician kung bakit napaiyak siya sa kanyang speech.
“Tito Leo, sobrang emosyonal lang na tumayo sa entablado at opisyal na manumpa bilang Bise Gobernador. Halu-halo yung nararamdaman ko noon,” kuwento ni Ejay. “Siyempre, una diyan yung nag-uumapaw na saya dahil nagbunga na ang pinaghirapan ko noong kampanya.
“Ikalawa, overwhelmed ako sa suporta ng mga kababayan natin dito sa Oriental Mindoro. Ikatlo, very proud siyempre sa sarili na kinaya ko. Lastlly, may kaba pa rin dahil ito na yon, eh, nanunumpa ako sa kanilang lahat na sila ay paglilingkuran. Siyempre, walang urungan ito at dapat magampanan ko talaga nang maayos ang tungkulin ko,” dagdag na pahayag ni Ejay.
Aminado ang actor na hindi niya inaasahang mananalo sa May 2022 election dahil baguhan lang siya sa larangan ng pulitika at maraming nag-under estimate sa kanyang kakayahan.
“Alam mo, sa totoo lang Tito Leo, ang hirap maging kumpiyansa lalo na sa pulitika. Kahit sinabi ng mga kaalyado ko na malakas ang laban ko at suportado ako ng maraming barangay ay pinili ko talagang huwag maging kampante. Kasi, sino ba naman ako, isang baguhan sa ganitong mundo.
“Pero ang ginawa ko ay nag-focus lang ako sa kampanya at sa dapat kong gawin at yon ay mas kilalanin ang mga taong paglilingkuran ko. Ipinaubaya ko na lang kay Lord talaga ang lahat,” salaysay niya.
Samantala, hindi pa rin naman tatalikuran ni Ejay ang pag-aartista kahit humahawak na siya ng posisyon sa gobyerno. Yon nga lang, mas magpo-focus daw siya ngayon sa kanyang mga kababayan na nagtiwala sa kanya nung nakaraang eleksyon.