SAAN NA nga ba nakarating ang Pilipinas kung pag-uusapan ay ang estado ng pulitika at ekonomiya nito? Masasabi na rin natin na nagbago ang takbo ng ekonomiya ng bansa dahil sa mga pagbabago sa pulitika nito. Ang slogan na “tuwid na daan” ni Pnoy, kasunod ng pagkakakulong ni dating Pangulong Gloria Arroyo at iba pang mga pulitiko ang tila nagpataas ng kumpiyansa ng mga mamumuhunan sa Pilipinas. Tumaas din ang mga ratings na nakuha ng Pilipinas sa mga nagpapautang sa international market. Patunay lamang ito na ang pulitika at ekonomiya ay mayroong magkarugtong na bituka dahil naaapektuhan nila ang isa’t isa.
Ang naganap na Asia Pacific Economic Cooperation (APEC) Summit sa Pilipinas ay tumutok sa isang esensyal na salik sa propseso ng pamamahala ng mga bansang kasapi nito. Ito ay ang ekonomiya at pulitika. Sa isang sesyon sa talakayan ng APEC, pinagsama-sama bilang resource speakers ang mahuhusay na pinuno ng malalaking business sectors mula sa mga mayayamang bansang kasapi sa APEC. Si Jaime Ayala ay isinama rin bilang resource speaker dahil kilala ang kanyang mga kompanya sa tinatawag na long term investment. Sa pagpupulong na ito ay pinag-usapan ang pinakamahalagang tanong sa APEC 2015: Paano mai-equalize ang pulitika na mayroong likas na prosesong short-term sa mga businesses na likas namang long-term ang anyo?
Mahalaga ang tanong na ito dahil nakikita ng mga kasapi ng APEC na ito kadalasan ang ugat ng problema sa paglago ng ekonomiya ng isang bansa. Ang hindi nagkakatugmang haba at likas na proseso sa pulitika at business ang siyang nagpapabagal ng paglago ng ekonomiya. Kung magagawang ma-equalize ang long term at short term na proseso sa pagitan ng pulitika at business goals, madaling umunlad ang ekonomiya ng bansa lalo’t maraming kasaping bansa sa APEC ang handang mamuhunan sa isa’t isa.
GAYA NG inaasahan, ang mga small scale entrepreneur at business ang target ng APEC. Aabot sa 90% ng ekonomiya ng Pilipinas ay nagmumula sa small scale business at 75% ng mga business sa buong mundo ay small scale din. Naniniwala ang mga kasapi ng APEC na ang pagpapalago ng mga small scale business at pagtulong sa mga nagsisimulang small scale entrepreneur ay mahalaga.
Ang pinakamalaking hamon dito ay paano matitiyak na hindi nakapagpapahirap (non-maleficence) at makatutulong (beneficence) ang pulitika sa pagpapalago ng mga small scale business. Isinasaalang-alang ng mga lider ng bansa ang natural na kalikasan ng mundo ng pulitika na short term lamang at kung paano ito magagawang umayon sa takbo ng kalakalan sa business na isang natural na long-term ang anyo. Sa kabila ng lahat ng ito, mahalaga rin na tukuying ang inisiyatibo sa paghahanap ng paraan para ma-equalize ang short-term at long-term disparity ng pulitika at business ay nagmumula sa parehong panig ng mga mamumuhunan at mga lider ng bansa na galing naman mula sa sektor ng pulitika.
ANG PORMA ng pulitika ay sadyang short term dahil sa mga kautusan ng Saligang Batas para iwasan ang dinastiya sa pamahalaan. Mayroong hangganan ang bawat puwesto sa pamahalaan. Kaya naman ang kadalasang anyo ng pulitika ay ang pagnanasa ng mga pulitiko na mapahaba pa ang kanilang katungkulan sa pamamagitan ng pagtitiyak na sila ay mananalo sa susunod na eleksyon. Ito ang kahulugan ng kalikasang short-term sa pulitika.
Ang isang business naman ay likas na mayroong long-term goal. Tinitiyak ng bawat entrepreneur na maipapasa sa susunod na saling lahi ang isang business habang patuloy niya itong pinauunlad. Ito ang mga karakter na makikita natin sa mga mamumuhunang gayang nila Jaime Zobel de Ayala, Henry Sy, Lucio Tan, at Manny V. Pangilinan. Tinitiyak nila na sa susunod na saling lahi ng mga Pilipino ay mayroon pa rin silang mapapasyalang Ayala malls, SM malls at super markets, at Robinson’s shopping stores. Mga serbisyong magpapatuloy sa mahabang panahon gaya ng MERALCO, PLDT at Manila Water.
ANG MGA bansang gaya ng Canada, Japan, at Australia ay mga bansang itinuturing na maunlad, masarahap manirahan, at first world. Ang sagot sa tanong na paano ma-equalize ang short-term, long-term disparity ng pulitika at business ay matagal na nilang naresolba. Ang simpleng solusyon ay nasa pagkatao ng kanilang mga pulitiko. Kaya nilang ipagmalaki na matapat at hindi kurakot ang kanilang mga pulitiko at lider ng bansa. Bukod dito ay pawang mahuhusay sila sa ekonomiya bilang mga entrepreneurs din o technocrats kung tawagin.
Ito ang problema natin. Bukod sa 90% ng ating mga pulitiko ay magnanakaw, marami rin sa kanila ay mangmang, tanga, at bobo. Nanalo lang dahil sa pangalan, kasikatan, at pandaraya. Ito ang dapat mabago sa ating pulitika. Ang mga uri at klase ng mga lider na meron tayo ang pangunahing dahilan kung bakit napakabagal ng paglago ng ating ekonomiya. Bukod sa ninanakawan nila tayo ay hindi rin makaabante ang mga mamumuhunan dahil iniipit at dinidiktahan nila.
Dapat ay hindi nakikialam ang pulitika at estado sa kalakalan ng mga mamumuhunan dahil mas magiging kumplikado ito. May sariling natural na paraan ng pag-regulate at control sa business ang mga manininda at mamimili. Ito ang teoryang pinanukala nina Smith, James, at Rawls sa panananaw nilang may “invisible hand” sa merkado at ekonomiya.
HUWAG NATING palampasin ang pagkakataong mamili tayo ng matalino at tapat sa darating na eleksyon. Ito ang susi natin sa magandang bukas para sa ating ekonomiya at pamumuhay.
Ang Wanted Sa Radyo ay napakikinggan at napanonood sa 92.3 FM Radyo5 at Aksyon TV Channel 41, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm.
Ang inyong lingkod ay napanonood sa Aksyon Sa Tanghali sa TV5, Lunes hanggang Biyernes, 11:30 am-12:00 nn.
Panoorin ang T3: Alliance sa TV5 tuwing Linggo, 1:30 pm.
Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-878-8536 at 0917-792-6843.
Shooting Range
Raffy Tulfo