BONGGANG-BONGGA ANG trabaho ni Eric Quizon sa Springtime Productions (sa Hongkong) at 2 ½ years na siyang nawawala sa ‘Pinas dahil Hong Kong-based na talaga siya.
“Okey ang working hours doon. Pagdating ng 5 P.M., uwian na. I produce live shows usually using both Filipino and Cantonese players. ‘Yung isang Filipino play na paulit-ulit na nagugustuhan doon ay yung “Vagina Monologues.” Matagal na itong naipalabas sa atin, pero, dito sa Hongkong, ‘pag nagustuhan ng public, paulit-ulit, pabalik-balik na ipalalabas.”
Inaamin ni Eric na suwerte talaga siya sa nasabing trabaho. “It was really a good break, a change of phase and place at nagkakaroon ako ng fulfillment dahil nakukuha ko ang gusto ko. Imagine, mayroon akong “service apartment” which provides me with all the luxuries in life. Pero, hindi na ako mahilig mag-night life doon.
“It comes with age, siguro,” patuloy niya. “I’m already 42 years old at kailangan ko na ring alagaan ang health ko. Isa pa, very expensive ang lahat sa Hong Kong. Ayokong bumili roon ng properties cause Hong Kong is one of the most expensive places in the world. Tama na ang mga properties ko sa atin.”
Nagwo-work naman ang lifestyle ni Eric dahil, mamula-mula ang kanyang kutis, maganda ang katawan at nang tanungin kung wala siyang balak mag-pamilya, sumagot naman siya ng “It will come in time.”
Sa panahong ito, bakante si Eric sa kanyang trabaho. “Nakakauwi ako sa atin at tiyempong may festival entry pa si Daddy (Dolphy), kaya nadi-direk ko pa. Mga February, March pa ang trabaho namin sa Hong Kong, kaya I’m free to direct and do the pre-production at post-prod ng Nobody, Nobody… but Juan.”
Kahit anak siya ng Comedy King, nahihirapan pa rin siyang idirek ito.
“Iam working with the master, and I always have that in my mind. Ang nangyayari, ini-explain ko sa kanya ang mangyayari sa eksena, tapos, tatanungin ko kung ano ang gusto niyang mangyari. Siya nga itong may ideya nu’ng giling-giling scene na naka-diaper siya at ang mga kasama niya sa home for the aged (sa America). Remember, ang pelikula ay naganap sa U.S, kung saan paborito ng mga tulad niya ang Wowowee ni Willie (Revillame). Tapos, pagbabawalan sila. Pati mga kasamang foreigners ni Daddy ay paborito rin ang noontime show at parang protesta ito sa mga namamahala ng lugar. Iyon na nga lang ang kaligayahan nila ipagbabawal pa. ‘Yung maggiling-giling protest sila”
“Malapit din sa puso ni Daddy ang OFW’s sa Wowowee, dahil marami silang mga kakilalang nakikita nang hindi nila inaasahan. Like, nakita ng Dad ko ang bestfriend niyang si Eddie Garcia at ang love of his life na si Gloria Romero. May kurot talaga sa puso ang show ng bawa’t Pilipino, kaya’t nagpilit umuwi ng ‘Pinas ang character na Juan ni Dad.
“For somebody like my Dad na 81 years old na, feeling ko vitamins niya ang paggawa ng concept at ng pelikula. Masyado pang retentive ang memory niya and he’s far from, retiring.”
Incidentally, napaka-special ng role dito ni Heart Evangelista dahil gumanap siya bilang young Gloria Romero. Balik-supporting guest role naman si Eugene Domingo sa filmfest entry ng Comedy King. Sana, sumayad na uli ang mga paa ni Eugene sa lupa dahil hindi magandang isipin na nalunod siya sa isang basong tubig after Kimmy Dora.
Nagkaroon naman ng pagkakataon si Pokwang na ipaliwanag ang pangyayaring ang yabang-yabang na raw niya ngayon. Inis na inis kasi sa kanya ang mga taga-San Francisco (U.S.A) nang mag-perform doon sina Pokwang at Mariel Rodriguez kasama ang grupo ng Wowowee. Akala mo raw kasi, kung sino nang donya si Pokwang kung mag-utos na bigyan siya ng kape. ‘Yun pala’y gutom na gutom na siya nang dumating sila sa Sanfo at dumugin ng mga tao. “Nang makainom naman po ako ng kape, nagbalik na ang tunay na Pokwang. Mabait na po ako uli at nakakakilala na ng mga taong nasa paligid namin. Pasensiya na po sa kanila at sana po, next time bigyan lang po nila ako ng kape o kaya’y pakainin para bumalik ako sa dati kong ulirat.”
Bukod kina Heart at Pokwang, kasama rin sa “Nobody…” sina Vandolf Quizon Epi at mismong si Direk Eric. Mayroon pang bonus na G Toengi, Berwin Meily, Andoy Ranay, Richie Chan, Long Mejia, Brod Pete at sangkatutak pang iba.
BULL Chit!
by Chit Ramos