KINUMPIRMA NI Jaya, anak ni Elizabeth Ramsey, na pumanaw na ang kanyang ina sa edad na 83 kahapon ng umaga.
Ayon sa Facebook account ni Jaya, sinabi nitong: “Mama Beth is now with the Lord.”
“Thank you for your love and prayers and I rejoice because she passes in her sleep. In peace. In God’s loving arms. Bye mama, until we meet again. I love you forever. Thank you Jesus,” saad ng kanyang post.
Isinugod sa ospital noong Agosto ang beteranang komedyante at singer sa ospital dahil sa hyperglycemia attack na sanhi ng diabetes.
Kamakailan lamang ay nag-guest pa ito sa “Your Face Sounds Familiar” ng ABS-CBN, kung saan siya ang ginaya ni Melai Cantiveros habang kinakanta ang “Waray Waray”.
Naging “Queen of Rock and Roll” si Elizabeth Ramsey noong dekada ’60, pero nagsimula itong sumikat matapos manalo sa Student Canteen noong 1958.
Kinilala rin bilang mahusay na komedyante si Nanay Beth na ipinanganak noong Disyembre 3, 1931 sa San Carlos City, Negros Occidental. Ang ama nitong marino ay nagmula sa Jamaica at ang kanyang ina ay si Marcelina Rivera Indino na isang Spanish mestiza.
Napilitan umanong magtrabaho si Elizabeth sa edad na 16 dahil maysakit ang kanyang ina. Sinikap umano nitong kumita sa pagkanta at pumasok bilang katulong upang marating ang Maynila.
Hindi umano siya interesado sa mga libro, lapis o ballpen at dalawang beses umano itong nag-grade 6. Mas pumukaw ng kanyang pansin ang mga letra sa songhits na kanyang binibili. Napilitan umano siyang magpakasal noong 19 na taong gulang pa lang dahil na rin sa utos ng kanyang ama.
Dahil sa hilig sa pagkanta, bumalik ito sa Bacolod mula sa Cebu at doon kumanta sa mga sugalan na pinupuntahan naman ng mga mayayaman ng Bacolod tulad ng mga Lacson, Araneta, Yulo, at Villanueva.
Dinayo umano niya ang Maynila dahil na rin sa hilig sa pagkanta kaya naman pinalad itong manalo sa “Student Canteen” at naging undefeated champion.
Sunod na sumikat si Elizabeth sa Manila Grand Opera House at Clover Theater, kung saan nakasama nito ang mga sikat na komedyante noong panahong iyon na sina Aruray, Balot, at Casmot.
“Itong singing minaster ko, I made it sure na sarili ko itong boses na ito, sarili ko itong arteng ito, pati mukha ko, sarili lahat,” wika ni Elizabeth sa isang interview.
Ayon pa kay Elizabeth, tinuruan niya ang kanyang mga anak na maging positibo ang pagtingin sa buhay.
“Tinuruan ko sila na tumapang at lumakas. Kailangang higpit ang sikmura kapag walang makain. Hindi p’wedeng manghingi sa kapit-bahay kung walang makain. Rule ‘yan na kahit ganoon sila, they try hard and work hard kasi ‘yan ang sinabi ko, na walang magpapalimos sa Ramsey hanggang buhay ako. Walang magpapalimos,” dagdag pa nito.
Ni Jo Capareda