MANGIYAK-NGIYAK at emosyonal ang controversial actress na si Ella Cruz nang lumabas sa interview ni Boy Abunda sa kanya kahapon, July 22. Ito ay may kinalaman sa kinasangkutang ‘history is chismis’ statement niya na naging sanhi para siya ay i-bash ng maraming netizens.
Nag-umpisa ang lahat nang kumpirmahin na si Ella Cruz ang gaganap bilang Young Irene Marcos sa pelikulang ‘Maid in Malacanang’ na ipapalabas ngayong darating na Agosto. Ito raw ang recollection ng mga naganap 72 hours bago nilisan ng Pamilya Marcos ang palasyo.
Binalikan ni Ella ang araw nang siya ay makapanayam para sa proyekto. Ayon sa dalaga, hindi pa raw niya nababasa ang script at mag-uumpisa pa lang sila ng syuting nang maganap ang interbyu.
“‘Yung writeup, iyon daw ‘yung natutunan ko sa movie. Bakit ganu’n? Bakit mali ‘yung writeup? Noong sinabi ko ‘yung ‘history is like tsismis,’ wala pa po sa akin ‘yung script. Pero nilabas nila ‘yung post na ‘yun habang nag-su-shoot na po ako,” depensa ng dalaga.
Inalala niya kung ano mismo ang tanong sa kanya ng interviewer.
“Ano ang point of view mo bilang aktres, bilang estudyante sa napag-aaralan mo dati tungkol sa history sa mga Marcos?”
“Sabi ko, ‘In general, for me, history is like tsismis.’ Ta’s iyon na po, ‘May mga bias, may dagdag, filter.’ Iyon ‘yung sinabi ko, kasi tinanong ako kung ano point of view ko.”
Nang tanungin siya muli ni Boy Abunda kung ‘yun pa rin ba ang isasagot niya kung siya ay tatanungin ngayon, sabi niya ay tatanggalin niya ang pagkumpara sa history at tsismis, pero nanindigan siya na hindi lahat ng nakasulat sa history books ay buong kuwento.
“Siguro hindi ko na para sabihin ulit ‘yung ‘history is like tsismis,’ kasi ang laki talaga ng nangyari, hindi ko po inaasahan. Marami tayong mga hindi alam sa history… Tama, na sa libro pa rin ‘yung mga malalaking pangyayari, pero marami rin tayong mga hindi pa alam,” sagot niya.
Nalaman din ni Ella kung sino ang kanyang ‘real friends’ dahil sa kinasangkutang kontrobersiya.
“Ang pinaka-lesson ko is, lumabas ‘yung mga tunay kong kaibigan, lumabas ‘yung mga hindi. Nakilala ko kung sino po sila. Iyon ang pinakamagandang natutunan ko. Another lesson is to be strong, really, really strong, and stand for yourself. Kasi hindi naman ako palaging nasasabwat sa malalaking isyu, so hindi ako sanay.
“Tinanong ko ‘yung sarili ko — saan ako nagkamali? Ano’ng nagawa kong mali? May nasaktan ba ako? Alam ko sa sarili ko, wala akong nasaktan. Siguro may na-offend ako, pero hindi naman ‘yun intentional,” sambit ni Ella.
Inalala din ni Ella ang mga masasakit na salita mula sa mga close friends niya sa showbiz na talagang nakaapekto sa kanya.
“Worst is ‘yung mga taong ‘yung pamilya mong tinuring noong magkasama kayo at hanggang ngayon, tsini-cherish mo ‘yung napagsamahan ninyo, nirirespeto mo sila. ‘Pag nagkita kayo, mahal mo pa rin sila.
“Bakit ganu’n ‘yung nasabi nila? Meron ba akong nagawa sa kanila? Pero wala naman silang message sa akin. Hindi matatanggal ‘yung respeto ko sa kanila, pero ‘yung trust… Guarded na ako ‘pag nandiyan sila,” naluluha niyang tinuran.
Diniretso naman siya ni Boy Abunda kung ano ang reaksyon niya nang mabasa ang tweets ni Pokwang, na gumanap bilang nanay niya sa ‘Aryana’. Sinabi pa ng komedyante na ibabalik niya sa dagat ang aktres.
“Hindi ko inasahang masasabi niya ‘yun. Naging nanay ko po kasi siya. Even though 10 years ago… Okay lang ‘yung isang tweet, pero tatlo po kasi ‘yung nakita ko, e. ‘Yung pangalawa, OA na. Below the belt na. ‘Yung isa, ‘yung writer ng ‘Aryana’ kasagutan niya… Naalala ko binibisita ko pa sila palagi ‘pag break time nila, even after the show.
“Sobrang sakit. Masakit na ‘yung mga taong hindi mo talaga inaasahan, sila pa ‘yung makakapagsalita ng ganiyan sa ‘yo. Ni hindi ka man lang nila tinext, ni hindi ka man lang nila ni-DM man lang,” Ella said.
Ayaw na rin magbigay ng mensahe ni Ella kay Pokwang. “Wala na lang po. Mas gusto ko na lang na… ‘Okay.’”
On the other hand, na-appreciate naman ni Ella ang pamamaraan ni Agot Isidro ng pagtweet sa kanya kung saan sinabi ng aktres na ‘no comment’ na lamang ang isagot nito at sinabing ‘the sweetest’ pa si Ella.
“Nagulat ako, kasi after namin magka-work, wala naman na kaming connection. Sabi ko, ‘Bakit may pag-tweet?’ Una kasi siyang nag-tweet, e. Noong nakita ko ‘yung kay Mamang, sabi ko, ‘Bakit mas mabuti pa si Tita Agot?’
“She’s just trying to save me. Wala siyang sinabing masama. Sinabi lang niyang, ‘Sana nag no-comment ka na lang, pero mahal kita.’ Kumbaga, parang, ‘Huwag mong maliin ‘to.’ Wala akong galit, sama ng loob kay Ms. Agot, kasi somehow, na-appreciate ko. Para niya akong pinapayuhan. ‘Anak…’ Ganoon po,” sambit ni Ella.
“Hindi ko meant na magkaroon ng ganito kalaking isyu, hindi ko meant na ma-offend ang mga historians at professionals. Wala akong meant ma-offend, masaktan. Gusto ko lang sabihin na ako ay tinanong lang.
“Handa po akong makinig, e. Kasi iba-iba ang pananaw natin. Nahahati kasi sa kulay, so gusto ko maintindihan kung bakit nangyayari ‘to, kung ano’ng mali sa nasabi ko, kung bakit lumaki nang ganito, kasi hindi ko talaga inaasahan. At ready po akong makinig,” pagtatapos ng dalaga.