HINDI masaya ang high school life ng actress at dancer na si Ella Cruz. Ito ang kanyang ibinahagi sa ginanap na digital mediacon ng Vivamax original series na The Seniors kung saan isa siya sa mga bida kasama sina Julia Barretto, Awra Briguela, at baguhang si Andrea Babierra.
“Yung high school talaga ang pinakamagulo na parte ng buhay ko,” pagtatapat ng dalaga.
Ikinuwento rin ng dating Kapamilya actress na biktima isiya ng bullying noong high school habang nag-aaral siya sa Bulacan at matindi raw ang naging impact nito sa kanyang pagkatao na hanggang ngayon daw ay hindi pa rin niya nakakalimutan.
Inihalintulad din ni Ella na parang mga eksena sa pelikula na pinapanood lang niya noon dati ang naranasan niya noon sa kanyang mga dating kaklase noong high school.
“To be honest, yung high school talaga ang pinakamagulo na parte ng buhay ko. Isa yon sa mga magulong parte ng buhay ko kasi du’n ko na-experience na ma-bully ako.
“Siguro kung magtatanong kayo kung ano po yung mga na-bully sa akin, yung isa is maliit ako. Tapos, laos na artista raw ako kapag wala akong projects, sinasabihan ako ng mga ganoon,” pagdedetalye pa ng aktres sa mga naranasan noong high school.
Isa raw sa hindi niya talaga makakalimutan noon ay yung bigla siyang sinampal ng isang kaklase na nambu-bully sa kanya.
“Sinasabi nila na nakakapasa lang daw ako kasi binabayaran ko raw yung mga teacher dahil lagi akong absent. One time, I’m just walking sa hallway, biglang kinorner po ako ng mga kaklase tapos bigla nila akong sinampal out of nowhere, na walang reason talaga. Na-experience ko po yun,” kuwento niya.
Nung tumuntong ng fourth year high school ay kinailangan nang mag-transfer ni Ella sa Quezon City dahil mas naging busy na rin siya sa showbiz. Dito na raw naging maayos ang lahat at na-enjoy na niya ang senior high school. Nagkaroon na raw siya ng mga kaibigan at hindi na niya naranasan ang ma-bully.
“Thank God, nung senior year ko na, fourth year high school, lumipat ako ng school sa Quezon City. Nag-home study ako dahil yun ang time na hindi ko na kayang mag-aral ng regular o pumasok ng regular. “Du’n ko na-meet yung mga tunay na kaibigan ko, yung friends for life. Sila talaga yung maaasahan mo through ups and downs.
“Dito sa Bulacan, wala akong friends. Pero yung naging friends ko sa Quezon City, they didn’t care na artista ako. Until now, nagtutulungan kami sa mga business,” pahayag pa ni Ella.
Samantala, ang The Seniors na kinunan sa Pacaque Rural High School ay isang youth comedy-drama series na mula sa VIVA TV at Project 8 Productions nina director na Dan Villegas at Antoinette Jadaone. Kay Shaira Advincula-Antonio naman ipinagkatiwala ang pagdidirek ng series.
Ang “The Seniors” ay tungkol sa apat na senior high school students sa isang provincial public high school na sama-samang haharapin ang iba’t-ibang problema sa buhay at pag-ibig. Sa kanilang school ay kilala ang IT-trio na “The Certifieds.” Ngunit sa huling taon ng kanilang high school, maraming malalaking pagbabago ang kailangan nilang harapin. Isa na rito ang pagdating ng maganda at matalinong transferee from Manila na si Diana (Julia).
Makakasundo ba nina Ella, Awra at Andrea si Julia? Yan ang dapat abangan sa 8-part series ng The Seniors.