Eloisa Cruz Canlas, pinagkalooban ng 2011 U.P. Gawad Plaridel

IPINAGKALOOB NOONG HUNYO 20 sa batikang radio drama artist at radio broadcaster na si Eloisa Cruz Canlas ang 2011 U.P. Gawad Plaridel sa isang awarding ceremony na ginanap sa Cine Adarna (U.P. Film Institute Film Center) University of the Philippines, Diliman, Quezon City. Ito ay bilang pagkilala sa natatanging kontribusyon ni Canlas sa broadcasting industry, partikular sa larangan ng radyo.

Mas nakilala bilang “Lola Sela Bungangera”, natututo si Canlas sa sariling pag-aaral, at nagsimula siya bilang production assistant para sa mga radio program ng DZRH noong 1960s. Noong dekada ’70 hanggang ’80, binigyang-buhay ni Canlas ang mga boses nina “Zimatar” at “Eng-Eng” sa popular na radio drama na “Adventures of Zimatar”. Kabilang sa mga shows na ginawa ni Canlas ang Gabi ng Lagim, Mr. Romantiko, at Hukumang Pantahanan, at iba pa. Sa kasalukuyan, siya pa rin ang tinig sa likod ng programang Lola Sela Bungangera with the Senior Citizen & Livelihood Project sa DZRH, ang kanyang home network.

Sa kabila nito, patuloy pa ring nagtatrabaho si Canlas bilang freelance voice talent para sa iba’t ibang commercial, anime show, at iba pang programa sa telebisyon at radyo. Bukod pa sa kanyang trabaho sa kasalukuyan bilang voice talent sa segment na “Pondahan” sa Good Morning Kuya ng UNTV.

Kasalukuyan ding executive producer si Canlas ng bagong-tatag na “Drama sa Nuebe Nubenta” ng dzIQ Radyo Inquirer.

Bilang owner at director, si Canlas ang namumuno sa Tanghalang Parisukat, isang voice acting center na itinatag noong Disyembre 2003. Layon ng Tanghalang Parisukat na maituro sa kabataan ang kahalagahan ng teatro, radyo, telebisyon at print media upang mapalaganap ang maayos na kapaligiran. Layon din nitong malinang ang natatagong creative skill ng mga kabataan, at maipalaganap ang magagandang kaugalian sa pamamagitan ng libreng seminar at training.

Kabilang na si Canlas sa mga binigyang-parangal at pagkilala ng nasabing unibersidad tulad nina Eugenia Duran-Apostol (2004), Vilma Santos (2005), Fidela Magpayo (2006), Cecilia L. Lazaro (2007), Pachico A. Seares (2008) at Kidlat Tahimik (2009).

Nasa ika-pitong taon na ng pagkilala, ang U.P. Gawad Plaridel (na ipinangalan mula kay Marcelo H. del Pilar na may sagisag-panulat na Plaridel) ay itinatag ng U.P. College of Mass Communication bilang pagkilala sa mga katangi-tanging praktisyoner ng midya. Ang karangalang ito ay iginagawad sa mga Pilipinong praktisyoner ng midya na nakilala sa larangan ng print midya, pelikula, radyo, telebisyon, at bagong midya at gumanap ng kanilang tungkulin ayon sa pinakamataas na antas ng propesyunal na integridad at sa kapakanan ng serbisyo publiko.

By Danilo Jaime Flores

Clickadora
Pinoy Parazzi News Service

Previous articleDa who ang ama?
Next articleVice Ganda filled Lucena Convention Center with fans for the reconstruction of a church

No posts to display