NAKADALAWANG TAON din ako sa Saudi bilang worker sa isang construction site. Nang hindi ako pinasahod at ‘di ako nabigyan ng iba pang benefits, pag-uwi ko ay nagsampa ako ng kaso sa National Labor Relations Commission. Nanalo po ako sa arbiter. Nag-apela po ang mga kalaban ko sa NLRC.
Ayon naman po sa abogado ko at sa mga nakakausap ko, maganda raw ang laban ko sa kaso. Natatakot lang po ako na baka dahil sa tagal ng kaso ay magtago na ang agency ko o ‘di ko na mahagilap ang employer ko. Sino po ba sa kanila ang mananagot – ang employer o ang ahensya? — Danny ng Binangonan, Rizal
ISA PA ang lumiham sa akin at ganito naman ng tanong:
Gusto ko po sanang idemanda ang employer ko na pinagtrabahuhan ko sa Kuwait. Mahahabol ko pa po ba siya kung nasa Pilipinas na ako? Puwede ko po bang habulin ang ahensya ko? — Gani ng Morong, Rizal
PAREHONG MANANAGOT ang employer at ang agency. Kapwa sila may pananagutang magbayad.
Halimbawa, kahit pa ang idinemanda mo lang ay ang employer at siya’y ‘di mahagilap o ayaw magbayad, puwede mong habulin ang ahensya niya rito.
Kung sakali naman na ang kinasuhan mo ay ang ahensya rito at ‘di ka makasi-ngil, puwede mo namang tuntunin at habulin ang kanyang employer o principal.
Isinasaad kasi ng batas, lalo na ng RA 8042, na ang pananagutan ng employer at ahensya ay “joint and solidary” o iisa ang kanilang panagutan at ang sinuman sa kanila ay maaaring idemanda.
Layunin ng batas na makasingil agad ng danyos o monetary claim ang manggagawa.
LIBRENG PAYO! I-TEXT N’YO AT SASAGUTIN KO! PM <space> saklolaw <space> ang inyong katanungan at i-send sa 2948 (for Globe, Smart and Sun users). E-mail: [email protected].
Ayuda sa OFW
By Ome Candazo