NASA GMA-7 na ngayon si Empress Schuck. Isa siya sa mga bida sa bagong teleserye ng Siyete na Kailan Ba Tama Ang Mali na pinagbibidahan din nina Max Collins, Geoff Eigenmann, at Dion Ignacio.
Naikuwento sa amin ng aktres kung paano siya nagpaalam sa ABS-CBN bago lumipat sa GMA.
“Kinausap ni Tita Becky (Aguila) ang ABS, kung anong plano sa akin. They told us to wait, kung willing daw kaming maghintay, eh, ‘di okey daw. Pero kung may offer naman daw, go naman daw. So, nagpaalam naman kami nu’ng nag-offer na ‘yung GMA. Nagpaalam kami and okey lang naman daw, so, siguro ‘yon na ‘yung sign talaga,” pagre-recall pa ng aktres.
Sa pag-alis ni Empress sa ABS-CBN hindi raw maiwasang may mga nami-miss din siya sa dating home network.
“Ang nami-miss ko sa kabila is ‘yung pagiging komportable ko siguro. Kasi do’n talaga, alam ko na kung saan ako pupunta, kung sino ang kakausapin ko, hindi ko na kailangan ng alalay. Eh, dito medyo nangangapa pa ako… kahit anong galaw ko, tatanungin ko pa rin.”
Proud ding sinabi ni Empress na ang mga natutunan niya sa ABS-CBN especially sa acting ay dala-dala niya saan man siya magpunta.
“Mas nahasa talaga ako roon (ABS-CBN). Napakalaki ng utang na loob ko sa kanila at ang dami-dami kong natutunan do’n… At saka siguro, malaking bagay at tulong na rin na nag-start kasi ako seven years old pa lang,” sey pa niya.
La Boka
by Leo Bukas