HINDI NATIN masisisi si Empress Schuck kung may tampo siya sa Kapamilya network dahil hanggang ngayon wala pang TV series na ibinibigay sa kanya ang Dos. Nagtataka nga raw siya kung bakit? Matagal na kasi ‘yung last teleseryeng ginawa niya with Nikki Gil.
Kahit nga raw may offer kay Empress ang ibang network, mananatili siyang loyal sa Dos. Mahal daw niya ang Kapamilya Network. Ang ABS daw ang kanyang home studio, never niyang iiwanan ito. Kung hindi man nabibigyan ngayon ng TV project si Empress, willing maghintay ang dalaga. Baka walang pang role na nababagay para sa kanya. I’m sure hinahanapan naman siya ng bagong show ng ABS-CBN.
BILIB KAMI sa acting ability ni Louise delos Reyes. Kapuri-puri ang kanyang outstanding performance sa drama series na Mundo Mo’y Akin with Alden Richards ng GMA-7. This time, another challenging role ang gagampanan niya sa sirenaseryeng Kambal Sirena bilang sina Perlas at Alona. Kahit napi-pressure sa pag-ere nito ngayong Lunes, puspusan ang ginagawa niyang paghahanda sa kanyang mermaid character na si Alona.
Sumailalim si Louise sa swimming at diving lessons with action star Jess Lapid, Jr. Kahit nahirapan ang dalaga sa character niya as Alona, walang kang maririnig na complain. Bagkus, malaking hamon daw ito sa kanyang kakayahan as an actress. Gusto niyang ma-meet ‘yung expectation sa kanya ng manonood. Patutunayan niyang deserving siya sa project na ito kahit mahirap gampanan ang role na pagiging kambal (Perlas at Alona). Ngayon nga, hindi maiiwasang pagsabungin sina Louise at Anne Curtis dahil parehong sirena ang ginagampanan nila sa kani-kanilang fantaserye.
Sa dalawang character ni Louise, kanino niya puwedeng i-identify ang sarili? “Pareho kong nakikita sa kanila ‘yung character ko. Ako ‘yung tipong puwede mong ilagay sa maraming tao. Puwede mo rin akong iwang mag-isa. ‘Yung isang character, mahiyain, mahina ang loob. Ako, kung minsan, pinanghihinaan ng loob. Kung minsan naman, tahimik ako. ‘Yun bang gusto ko lang mapag-isa. The other side of me, outgoing. Gusto kong makipag-mingle sa mga tao. I’m very loud. I talk a lot,” tugon ng actress.
For the first time, makakatambal ni Louise si Aljur Abrenica bilang si Kevin, trainer ng mga dolphin at mai-in love kina Perlas at Alona. Tinanggap ng hunk actor ang project dahil sa ganda ng kuwento at mensahe nito. Gusto niyang iparating sa mga tao na God make us all unique.
“He wants us to complement. ‘Yung pagkakaiba-iba ng ugali ng mga tao. Laging nananalig ang pagmamahal at kabutihan,”say niya.
Kahit may kaba si Aljur, excited siyang makatrabaho si Louise. Magkaibigan kasi sila kaya’t komportable agad at hindi nahirapang mag-adjust sa isa’t isa. Pareho pang mahilig mag-target shooting ang dalawa. Inamin ng binata na gusto niyang makilala nang lubusan ang dalaga in terms of work. Mga bagay na matututunan niya kay Louise. Mga bagay raw na puwede niyang i-share sa kanyang leading lady.
Ibayong paghahanda naman ang ginagawa ni Aljur. Maraming underwater scene kaya todo ang workout ng binata.
“I’m into mixed martial arts, Jujitsu at Judo.” Sinimulan na niya ang training para makadagdag sa kanyang healthy regimen.
AYAW Paawat!
by Eddie Littlefield