‘DI ITINAGO sa amin ni Enchong na paminsan-minsan ay may nagiging tampuhan sila ni Erich Gonzales, pero taliwas ito sa mga lumalabas na kuwento na matitindi ang mga ito at hindi kayang resolbahan. Naging laman kasi ng mga balita na sweet lang daw ‘pag sa harap ng camera at may mga eksenang kinukunan, pero ‘pag sumigaw na raw ng cut ng director ay kani-kaniya ng alis at mararamdaman mo na may malalim daw na inis sa isa’t isa, ayon kay Enchong ay may bitter part, sweet part at nakatatawang parte ang samahan nila ng kapareha kaya nga siguro nagiging makulay ito.
Naghamon si Enchong sa mga naglabas ng balita na puntahan sila sa taping ng Maria La Del Barrio para makita na walang katotohanan ang mga lumabas na balita, para sa aktor kung may higit mang makakaintindi kay Erich, siya ‘yun at vice-versa dahil sila ang pinakamatagal na magkatrabaho sa set ng Maria La Del Barrio.
Bukas sa pag-amin na may malalim na paghanga kay Julia Montes at kahit nga mag-deny na hindi pa sila ay consistent ang paglabas ng mga balita na ayaw lang umamin ng dalawa, agad naming tinanong si Enchong kungdi ba siya nakakaramdam ng selos sa pagtatambal nila Coco Martin at Julia sa Walang Hanggan, kung saan na-link dati ang dalawa, pinaliwanag sa amin ng young actor na wala siyang selos na nararamdaman kungdi saya nga para sa dalawa dahil nabigyan ng magandang proyekto ang dalawa.
Ikinuwento sa amin ni Enchong na parang kapatid ang turing niya kay Coco na naging malapit sa kanya nang magkatrabaho sila sa pelikulang Sa Iyo Lamang. Nagsabi ang aktor kay Enchong na ‘pag gusto nitong gumawa ng indie film, kung saan unang nakilala si Coco, ay sabihin lamang sa kanya para matulungan siyang humanap ng dapat niyang gawin.
Isang pelikula rin ang gagawin under Star Cinema, kung saan makakasama niya sina Kean Cipriano, Xian Lim at Enrique Gil, excited na gawin ni Enchong ang nasabing pelikula dahil bukod sa mga kaibigan niya ang tatlo ay wala rin siyang ginawang pelikula noong 2011. Nagustuhan din ang script ng nasabing pelikula kung saan tumatalakay ito sa barkadahan, sa musika na ‘di ganu’n kabigat ang tema gaya ng ginagawa niyang mga serye gaya ng Maria La Del Barrio.
SA PRESSCON ng Mundo Man Ay Magunaw na mapapanood na sa darating na January 30, inamin sa amin ni Tessie Tomas na bukas siya uling gumawa ng mga talk shows kung saan siya mas higit na nakilala at minahal ng publiko.
Ilan mang taon na ang lumipas ay tumatak pa rin sa isip ng mga manonood ang Teysi ng Tahanan kung saan nabigyan siya ng titulo as Original Queen of Daytime TV. Maaaring isang talk show or kahit isang game show para sa mga Nanay ang gusto sanang gawin ni Ms. Tessie, pero sa ngayon ay malabo pa itong mangyari dahil per project basis lang ang mahusay na TV host/actress lalo’t pukpukan ang taping ng Mundo Man Ay Magunaw, kung saan kontrabida ang kanyang role na magpapahirap nang husto sa buhay ni Eula Valdes at ng mga taong malalapit dito sa istorya.
Kasama sina Empress, Ejay Falcon, Allan Paule, Dianne Medina, Eula Valdes, Nikki Gil, ang baguhang si Alex Castro, puring-puri ni Ms. Tessie ang propesyonalismo at husay na nakikita niya sa mga kabataang artista natin ngayon na kasama niya sa nasabing serye ng Kapamilya Network.
Maiba Lang
By MELBA R. LLANERA