SA PAKIKIPAG-USAP namin kay Enchong Dee sa set visit ng seryeng Muling Buksan ang Puso sa Laiya, Batangas, napag-usapan namin ng aktor na kung papasok siya sa pakikipagrelasyon ay isang non-showbiz girlfriend ang gusto niyang maging kasintahan.
Ayon kay Enchong, gusto niya ng privacy na kahit anong piga sa kanya ay misteryo pa rin, dahil nga hindi taga-showbiz ang magiging girlfriend at para iwas na rin sa mga isyu. Sa dami nga naman ng pinagdaanang intriga ng naudlot na relasyon nina Enchong at ni Julia Montes, ‘di masisisi kung ito man ang maging desisyon ng aktor.
Sa nakaraang interviews namin kay Enchong, consistent ang aktor sa pagsasabing sa ngayon ay ‘di niya nakikita ang sarili na dugtungan ang espesyal na namagitan sa kanila ni Julia. Nang tanungin namin tungkol dito, ipinaliwanag naman sa amin ng aktor na masaya sila sa pagkakaibigan nila ng kapareha na muntik nang masira, mawala at mabuti na lang na naibalik at nabigyan uli ng pangalawang pagkakataon.
Sa ngayon ay nagde-date, pero sa dami ng mga trabaho ay wala pang oras sa pakikipagrelasyon, naniniwala naman si Enchong na hindi ito minamadali dahil darating naman ang tamang tao para sa kanya kahit ‘di niya hinahanap.
Para kay Enchong sa lahat ng roles na nagampanan niya sa mga serye at pelikulang nagawa, ang role niya bilang Leonel sa Muling Buksan Ang Puso ang pinaka-challenging na role na gagawin niya dahil may pagka-dark ang character niya rito at ‘di gaya sa mga tipikal na roles na nagampanan na niya, nakita ni Enchong ang buting idinulot kina Coco Martin at Paulo Avelino nang gampanan ng mga ito ang mga dark characters sa Tayong Dalawa at Walang Hanggan na nagpakilala lalo sa husay ng mga ito bilang mga tunay na aktor.
Hindi lang humahataw sa serye kundi maging sa pelikula, balitang patuloy na pinipilahan ang Four Sisters and A Wedding sa mga sinehan at kasama rin sa pelikulang Tuhog si Enchong.
BUKOD SA klinaro sa amin ni Mac Merla, isa sa staff ng Star Cinema na hindi naungusan ng pelikulang It takes a Man And A Woman ang pelikulang Sisterakas bilang Highest Grossing Filipino Film of All Time, nakausap din namin kamakailan si Direk Wenn Deramas, direktor ng Sisterakas, kung saan ayon sa Box-Office Director ay mismong ang Star Cinema at Viva Films na ang nag-clarify na hindi pa rin nahihigitan ang Sisterakas ng anumang pelikula.
Ayon kay Direk Wenn, wala namang problema kung mangyari man ito dahil pelikula din naman ng Viva at Star Cinema ang It Takes A Man And a Woman, at lahat din naman ng pelikula ni Direk Cathy Garcia-Molina ay talaga namang box-office din. Darating din naman ang panahon na alam ni Direk Wenn na may makatatalo at makadadaig sa Sisterakas at ang ideya nga lang na mag-no.1 ang pelikula mo kahit isang beses ay isang bagay na dapat ay sobra mo nang ipagpasalamat.
Pasok sa Metro Manila Film Festival 2013 ang pelikulang Girl, Boy, Bakla, Tomboy na pagbibidahan nina Vice Ganda at Maricel Soriano sa ilalim ng direksyon ni Direk Wenn, pang-apat na itong entries ni Direk Wenn sa MMFF na halos lahat ng mga ito ay nag-top sa takilya.
Katatapos lang gawin ang pelikulang Oh, My Mama Mia! na pinagbibidahan nina Maricel at Eugene Domingo, sinisimulan na ring gawin ni Direk Wenn ang pelikulang Bekikang na pagbibidahan ni Joey Paras. Magsisimula na rin siya sa seryeng Galema sa Kapamilya Network at isang pelikula na pagbibidahan naman ni Claudine Barretto sa Viva Films ang nakalinya ring gawin ng Box-Office Director.
Maiba Lang
By MELBA R. LLANERA