HINDI NAMIN siya kaanu-ano, ni hindi pa namin nakakamayan at hindi rin namin nami-meet in person, pero ba’t ganito ang pakiramdam? Nalulungkot kami. Lalo na ‘pag nababasa na lang namin ang mga sunud-sunod na tweets kung gaano siya kabait na tao.
Na buong-buo ang integridad niya sa pagiging tao, ama, asawa at lingkod-bayan. Parang sobrang nanghihinayang kami sa pagkawala niya. Sabi nga namin sa sarili, sana, hindi na lang siya nahanap para nandu’n pa rin ang pag-asang buhay pa siya, pero napadpad lang sa isla.
Sana nga, buhay pa siya at mangyari sa kanya ‘yung nangyaring eksena sa Walang Hanggan. Na sa pagbagsak sa dagat ng sinasakyang private plane, nasunog lang siya at after one year, nag-iba lang ang itsura niya na parang si Rita Avila na naging si Eula Valdes.
Sana nga, gano’n lang kasimple ang buhay.
Pero wala na tayong magagawa. Wala na si DILG Sec. Jesse Robredo kasama ang dalawa pang piloto. Talagang gano’n ang buhay. At least, naramdaman naman ng buong pamilya ang pakikiramay ng buong bansa at pagmamahal ng napakaraming tao kay Sec. Robredo.
Taos-puso po ang aming pakikiramay.
HAY, BUHAY. Hindi mo talaga alam kung kelan ka na kukunin ni Lord, ‘ika nga. Bukod sa buwis, kamatayan lang ang permanente sa mundo. Hindi mo nga lang alam kung ano’ng petsa at anong klaseng kamatayan ang sasapitin ng tao.
Sinasabi nila, habang nabubuhay ka, sulitin mo na ang buhay. Gawin mo ang lahat ng makapagpapasaya sa ‘yo, dahil hindi mo alam kung buhay ka pa bukas.
Pero siyempre, sisingitan namin ‘yan ng, “Gawin mo ang lahat ng makapagpapasaya sa ‘yo nang hindi nanlalamang at nang-aapak ng kapwa. At sana, ang makapagpapasaya sa ‘yo ay ‘yung makapagpapasaya ka ng ibang tao!”
MERON DIN namang mga emote na ‘pag sinabihan mong tumigil na sa bisyo ng alak at yosi ang mga pinagmamalasakitan mong kaanak o kaibigan, ang sasabihin naman sa ‘yo ay, “Lahat naman tayo, mamamatay. Kung mamamatay ka, mamamatay ka kahit ano pa ang gawin mo!”
Pero sana nga, habang bumibisyo ka, eh hindi dahil diyan sa bisyo mo ikaw mamamatay, kungdi nasagasaan ka lang o nabagsakan ng buko sa ulo.
Eh, pa’no kung may kinalaman sa bisyo mo ang magpapahirap sa ‘yo hanggang ikamatay mo?
Ano sa palagay mo, Editor Dan?
SABI NA nga namin, eh. ‘Pag ang bakla, nanood ng The Reunion, ang unang-unang kuwentong maririnig namin mula sa kanila ay, “Ang sarap ni Enchong Dee, ‘no?”
Napapatango naman ka-mi, dahil totoo naman. Juice ko, last 15 minutes ng movie, naka-Captain Barbell outfit siya na bakat na bakat ang pagkalalaki nito, ‘no!
Honestly, si Enchong ang “pinakamasarap” kina Xian Lim, Enrique Gil at Kean Cipriano. Saka napakakinis na bata, huh!
At siyempre pa, wala na kaming pakialam kung ano pa ang tsismis ke Enchong. Basta masarap siya sa kama, este, kasama.
Oh My G!
by Ogie Diaz