SI LOLA TESS ay lola ni Charice Pempengco. Sa mga hindi nakaaalam, siya ang nagdala kay Charice sa showbiz lalo na noong mga panahong nagsisimula pa lang siyang sumali sa mga contest. Natigil lang ang pagsama-sama ni Lola Tess kay Charice nang mag-abroad siya. Matagal din sa abroad si Lola Tess at nagpapadala siya sa kanyang anak na si Raquel (ina ni Charice) ng pera para sa pang-araw-araw na gastusin at pati na rin sa pambayad ng bahay na utang nila sa Pag-ibig.
Ilang taon din si Lola Tess sa abroad at nang bumalik siya sa Pilipinas, nagulat siya dahil unti-unti na palang nagbunga ang pinaghirapan niya kay Charice. Pero kasunod noon ay pagkalungkot, dahil ‘yung perang pinadadala raw niya kay Raquel ay hindi ibinabayad sa bahay. Kaya ang ending, nailit ng Pag-ibig ang kanyang bahay sa Laguna at ngayon ay nangungupahan na lang siya sa sarili niyang bahay sana.
Malaking kasinungalingan umano ang mga naglabasang balita na kesyo hindi nakalilimot si Charice, na kesyo binigyan niya ng sariling bahay ang lola sa Tagaytay. Ang lahat ng iyon ay ilusyon lang daw, dahil ang totoo, si Lola Tess ay naghihirap ngayon at patuloy pa ring nananahi para mabuhay.
Malungkot si Lola Tess dahil ang mga nababasa nilang press release lahat ay puro kasinungalingan umano. Dahil ang totoo raw ay matagal na siyang tinalikuran ng kanyang apo na si Charice.
Hindi lang si Lola Tess ang may matinding galit at sama ng loob kundi pati na rin ang partido ng ama ni Charice na si Mang Ricardo, na ngayon ay wala pa rin sa ganap na katinuan ng pag-iisip. Yes, may mental depression ang ama ni Charice na sanhi umano ng matinding kalungkutan dahil sa ginawang paglayo ni Racquel.
May mga nagsasabi na higit na sisikat at magkakapangalan si Charice kung magiging totoo ito sa kanyang mga sinasabi at mamahalin ang mga taong nagmahal sa kanya mula pa sa kanyang pagkabata. Tinalikuran ni Charice ang sariling lola, iyan daw ang totoo at ito ay dahil sa diumano kagustuhan ng sariling ina na si Racquel.
KOMENTO NG MARAMI, maganda na raw sana ang pagwawakas ng May Bukas Pa kung ipinakita sa nasabing programa kung paanong muling nabuhay si Santino. At sa eksenang nakita ni Ryan Agoncillo si Bro, sana raw ay napaluhod ang aktor dahil nakita niya sa dalawa niyang mata ang katotohanan na may ‘Bro’ nga sa buhay ni Santino na sa simula’t simula ay hindi niya pinaniniwalaan, at hindi ‘yung basta na lang siya nag-walk-out.
Hindi na lang din daw sana “isinalang” si Charo Santos sa nasabing huling eksena dahil halatang pilit ang nasabing scene. “Minsan lang lumabas si Miss Charo na siya ang artista, bakit sinayang pa nila? Hayan tuloy,” pahayag ng isa naming nakausap na nagbigay-komentong mas magiging maganda raw sana ang ending kung hindi na lang nabuhay si Santino at hindi na isinali pa si Miss Charo.
Sa kabuuan, maganda naman ang pagwawakas ng May Bukas Pa. Iyon nga lang, maraming butas, na naiintindihan naman namin, dahil alam namin na ‘yung huling mga eksenang ipinalabas ay on that day rin kinunan at ‘yung araw ring iyon ipinalabas kaya hindi na masyadong nabusisi.
Ang importante ay magkakaroon ng book 2 ang nasabing programang iniyakan at tinawanan ng mga manonood, dahil ito lang ang nag-iisang programang hinangaan maging ng MTRCB at ng milyun-milyong Pilipino.
More Luck
by Morly Alinio