HINDI TORPE kundi marespetong tao lang si Enrique Gil kung ang pag-uusapan ay tungkol sa dapat niyang pagbibigay ng pansin sa kababaihan na pupuwede niyang ligawan. Ilang ulit na niyang ginawa na kapag mayroong babae na nagkakagusto sa kanya at nalalaman niyang mayroon siyang kaibigang lalaki na dead na dead sa nasabing girl, hindi na talaga niya iyon ineeksenahan pa, kahit pa nga mayroon na rin siyang nararamdaman para sa girl na ‘yon.
Katulad na lamang sa mga nag-uudyok sa kanya na ligawan si Kathryn Bernardo. Maganda rin kasi ang kanilang chemistry. Isang guwapong lalaki na mala-prinsipe ang dating ng porma, habang si Kathryn naman ay isang bagets na may simpleng kagandahan. Kaya lang, ipinu-push talaga ng ABS-CBN ang tambalan nina Kathryn at ng bagets na si Daniel Padilla. Aware naman si Enrique tungkol sa mga kaganapang ito, kaya eentra pa nga ba naman siya?
Kung porma’t porma rin lang naman ay pambasag ang kalibre ng kaguwapuhan ni Enrique kay Daniel. Pero hayun na nga si Daniel at kung pangkiliti sa mga fans ang kadramahan, marunong at matalinong sumasakay na. Kaya ipinapa-ngalandakan na niyang mayroon siyang nararamdaman para kay Kathryn. Kaya talagang umatras na si Enrique, lalo pa’t kung makikisakay siya sa biyaheng pampakilig sa mga fans, baka mapagdudahan pa siya ng pakiki-ride on. Kahit sa totoo lang naman, ang daming babae ang napapabalitang nililigawan ni Enrique.
HINDI NAMAN talaga nagkamali si Paulo Avelino sa kanyang desisyon na mula sa GMA-7 ay lumipat siya ng ABS-CBN, dahil maganda ang nangyayari ngayon sa takbo ng kanyang movie career. Pagkatapos siyang subukan ng Dos sa pasali-sali sa mga teleseryeng nauna niyang nilabasan, binigyan siya ng napakagandang role sa Walang Hanggan, kaya hitik siya sa maraming eksena na nagpapatunay na ilang panahon lang ang kanyang pagsisikapan ay baka maging aktor na aktor na siya.
Aminado si Paulo na mahirap para sa kanya ang naging desisyon niya na iwanan ang Siyete, dahil du’n siya nag-umpisa. Marami siyang mga kaibigan doon na mga dating nakasama at nakatrabaho. Maraming nagmamahal sa kanya sa nasabing network ang nalungkot, at parang bitter pa nga sa kanyang pag-alis, kaya ang salitang pabaon sa guwapong actor ay: “Goodluck na lang sa career mo!” Kaya masaya ngayon ang binatang-ama, na maipagmamalaki niyang hindi siya pinababayaan ng ABS.
Laging usap-usapan ngayon ang magaganda nilang eksena ni Coco Martin. Hindi talaga siya nagpapatalbog sa kahusayan ni Coco, lalo pa’t napaglalaruan niya ang role niya bilang isang lalaking may konting topak bunga ng isang malungkot na trahedya nu’ng bata pa siya. “Ang maganda kasi sa pagiging artista ni Coco ay hindi naman talaga siya ‘yung tipong nananapaw. Kaming lahat du’n sa teleserye ay nagbibigayan. Para talagang isang malaki at masayang pamilya,” wika ni Paulo.
ChorBA!
by Melchor Bautista