HUWAG KAYONG EPAL!
‘Yan ang buod ng Senate Bill 1967 na ipinasa ni Sen. Miriam Defensor Santiago at kasalukuyang pinagdedebatehan sa Senado.
Ang ibig sabihin parekoy ng “ma-epal” ay mapapel. Kumbaga sa isang tao na sobrang ma-epal, siya ‘yung gusto eh, laging naka-papel sa anumang usapin o transaction.
Gaya na lamang ng paglalagay sa mga karatula ng mga ma-epal na pulitiko ng kanilang pangalan sa lahat ng proyekto ng gobyerno. Kesyo, “another project of congressman kurakot”. O kaya, “thru the initiative of mayor magnanakaw”. Kaasar talaga, huh!
Ang isa pang kahalintulad niyan ay ang naganap sa Bulacan noong binaha ang nasabing lalawigan. Nang mamahagi na ng relief goods ang provincial government ay may mga nakalagay sa bawat plastic bag na, “Handog mula kay Gov. Willy Alvarado”. ‘Yan, parekoy, ang isang perpektong example ng ma-epal na pulitiko.
Tangna, pera ng gobyerno (calamity fund) na nanggaling sa taumbayan at talagang naka-allocate para sa mga biktima ng kalamidad pero nilagyan ng pangalang Gov. Willy Alvarado! Na kung ang babasa ay medyo kapos ang pang-unawa, aakalaing HANDOG mula sa sariling pera ni Alvarado! Pwe!
Kaya nga napapanahon, parekoy, itong panukalang batas ni Senadora Santiago. Para mabigyan ng leksiyon ang mga demonyong mae-epal na pulitiko! Kasama na riyan si Bulacan Gov. Willy Alvarado!
Siyanga pala, parekoy, dapat linawin din ni Sen. Santiago na kasama sa pang-eepal ng pulitiko ay ang paglalagay ng kanilang mga mukha sa official documents ng pamahalaan.
Gaya ng mga mukha nina Bulacan Gov. Willy Alvarado at Vice Gov. Daniel Fernando na kasalukuyang naka-imprenta mismo sa mga Official Receipt na ini-issue ng Bulacan! Dapat masampolan sina Hudas at Barabas sa sobrang ka-epalan! Hak, hak, hak!
MASYADO NANG MALAKI ang ulo ni Gen. Gil Meneses, ang PNP Regional Director ng Region 4-A o ang erya ng Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon.
Hindi ibig sabihin, parekoy, na mayabang na si Gen. Meneses. Katunayan, ayon sa ilang malalapit sa heneral ay ubod ito ng bait. Kaya nga ito binukulan nang husto ng isang Col. Peralta!
At ‘yan, parekoy, ang ibig nating sabihin na masyado nang malaki ang ulo ni Gen. Meneses. Dahil sa kaliwa’t kanang bukol! Hak, hak, hak!
Ayon kasi sa ating tawiwit, habang kinakausap ni Gen. Meneses ang kanyang mga Provincial Director para ipatigil ang iligal na sugal sa buong Calabarzon ay abala naman si Col. Peralta sa pakikipag-usap kay Dan de Belen.
Ang pinag-uusapan naman ng dalawang ito ay kung paano lumawak ang pangungulekta ni Dan de Belen sa mga gambling lord. At ang usapan ay walang paliligtasin… maski sugal lupa! Pwe!
Ang ikinakatuwiran ni De Belen sa mga gambling lord, malaki ang lingguhang parating niya kay Col. Peralta. Na siya naman umanong nagbibigay kay Gen. Meneses!
Kaya nga pati mga PD ay nagogoyo nina De Belen at Col. Peralta na pakitang-tao lamang ang utos ni Gen. Meneses. Kaya hayun, parekoy, namumulaklak ang iligal na sugal sa Calabarzon!
Ang masakit, hindi pala alam ni Gen. Meneses ang kabulastugang ito ni Col. Peralta. Kaya naman ang kawawang heneral ay masyadong lumaki ang ulo. Dahil sa dami ng bukol na inabot kay Col. Peralta! Hak, hak, hak!
Makinig sa aking programang “ALARMA Kinse Trenta”, Lunes-Biyernes, 6-7 am, sa DZME 1530 kHz, at may “live stream” sa www.dzme1530.com. E-mail: [email protected]; call or text 09321688734.
Target
ni June Briones
[email protected]
09152121303