MAY ISANG pangako sa kanyang yumaong ninong Fernando Poe, Jr. ang isinakatutuparan ngayon ni dating Laguna Governor Jeorge ER Ejercito Estregan at ito ay ang gumawa ng pelikula kahit minsan lang sa isang taon para matulungan ang mga maliit na manggagawa ng pelikulang Pilipino.
Hindi lang mga taga-pelikula ang kanyang natutulungan kundi pati na rin ang mga miyembro ng entertainment press na naging malapit na rin sa puso ni ER, at wala siyang pinipili lahat pantay-pantay sa kanya. Isa kami sa makapagpapatunay niyan dahil kami man ay hindi nagdalawang-salita sa kanya nang minsan mangailangan kami ng tulong medikal. Marami rin sa aming kasamahan sa hanap-buhay ang minsan ay natulungan din niya.
Ang mga ganitong pagpapahalaga sa kapwa ang natimo sa kanyang isip dahil sa ito rin ang ipinayo sa kanya ni ‘D King, ang huwag mong pagkaitan ang mga taong humihingi sa iyo ng tulong partikular na ang mahihirap at nakatatanda.
Kaya nga hindi kami nagtataka kung bakit hanggang sa ngayon ay mahal na mahal siya ng kanyang mga kababayan sa Laguna na umaasam pa rin hanggang sa ngayon sa kanyang pagbabalik bilang ama ng kanilang lalawigan.
Samantala, marami ang nagtatanong sa amin kung may pelikula pa bang kasali si Gov. ER sa Metro Manila Film Festival, dahil maraming balitang naglalabasan na nagback-out na raw ang entry ni Gov na Muslim, Magnum 357 na hindi remake kundi ito part 2 ng pelikula ng Ninong Ronnie ni Gov. At ang kumakalat na balita at lumabas pa sa isang broadsheet, ang pelikula ni Manny Pacquiao ang ipinalit.
Well, sorry to say roon sa mga nagpapakalat ng maling impormasyon, dahil tuloy na tuloy ang pelikula, dahil ang totoo pala nito ay malapit na itong matapos at tahimik lang silang nagsi-shooting ng nasabing pelikula na pinaka-tribute ni ER sa kanyang Ninong at sa mga kapatid nating Muslim.
Speaking of our Muslim brothers, ibinalita sa amin ng isa naming kaibigang Muslim na nakatira riyan sa Golden Mosque compound sa Quiapo, na 1st time sa mahigit na 30 years ng pagkakatayo ng kanilang Mosque ay ngayon lang napag-shooting-an ito at laking tuwa nila dahil si Gov. ER pa ang lumabas at gumawa ng part 2 ng pelikula ng kanilang idolong si FPJ. Kaya nga todo ang suporta nilang ginawa para maging smooth ang shooting doon ni Gov.
Bukod pa roon, alam ng buong muslim community ang kalingang ibinibigay noon ni ER sa kanilang mga kapatid na Muslim sa Laguna, kaya nga labis silang nalungkot ng mapaalis ito sa puwesto. Sa kabila nito, nagbigay sila ng buong suporta sa pelikulang ito ni Gov na siyang bida sa Muslim, Magnum 357 na ang leading lady ay si Sam Pinto sa direksyon ng batikang action director na si Direk Jun Posadas, handog ng Scenema Concept International, Inc.
Ni Raymund Vargas