BONGGACIOUS ANG “LA Laguna, the Festival of Life” na proyekto ni Governor ER Ejercito na ginanap sa compound ng kapitolyo ng Laguna kamakailan lang. Ang theme: “The Variety of Life in the New Laguna”. Nasaksihan namin ang grand opening ng Trade Fair Exhibit/ Landscape, Senior Citizens Dance Competition at Street Dance Competition. Nakakaaliw ring pagmasdan ang iba’t ibang produkto na gawa sa Laguna na buong pusong ipinagmamalaki ng mag-asawang ER at Mayor Maita Ejercito.
To the highest level ang mga activities ni Gov. ER sa Laguna, wala kaming masabi! Walong araw ba naman ang selebrasyon na sinalihan ng iba’t ibang bayan sa Laguna. Nand’yan ang Carnival Queen Mardigras Party, Sagala, Comedy Show at sa gabi, fireworks competition. Mayroon pang Palarong Pinoy, Artisan’s Village, Amateur Singing Contest, Body Building Competition, Grand Sagala, Designers Competition, Cultural Night, Drum and Lyre Competition, Talentadong Laguneño, Little Ms. Laguna 2011, Dance Revolution, Brass Band Competition, Bird Show, Body Painting Competition, Grand Float Parade Competition, Cooking Contest and Bartending Contest, Dog Show Competition, Ginoong Laguna 2011, Dragon Boat Competition, Banca Race, Fluvial Parade Competition, Binibining Laguna 2011 at Fireworks Display.
Ayon kay Gov. Jorge, maraming pagbabago ang magaganap sa bagong Laguna. Tulad ng Laguna Lake Rehabilitation project, relocation of dredged materials to lakeshore eco-areas, building of adequate and environment-friendly infrastructure for relocation areas, construction of ferry station. Ilan lang ito sa programang sinisimulan ng mag-asawang ER at Mayor Maita Ejercito.
Alam natin kung gaano ka-hectic ang schedule ni ER bilang public servant pero nasa dugo pa rin niya ang pag-aartista. Katunayan nga, ginagawa na nito ang pinagmamalaking pelikula sa taong ito, ang Kingpin (Asiong Salonga Story) na una niyang ginawa noong 1998 at El Presidente (true story ni Emilio Aguinaldo) with Phillip Salvador, Iza Calzado at Maja Salvador sa direksiyon ni Tikoy Aguiluz under Grand Blacksmith Global Entertainment thru Scenema Concept International. Ang nasabing classic film ay ilalahok sa darating na Metro Manila Film Festival this coming December.
“Nag-shooting na kami ng Asiong Salonga ni Direk Tikoy, 18 shooting days lang ito at sa Laguna ang location shooting. After this film, isusunod na namin ang El Presidente, Cavite naman ang location dahil taga-roon si Emilio Aguinaldo. Medyo matagal-tagal ito dahil period movie at puro magagaling na artista ang makakasama ko rito,” kuwento ni Gob.
One hundred million pala ang budget ng dalawang pelikulang ito ni ER. “Ilalahok namin sa international competition abroad ang pelikula ko,” turan niya. Walang keber ang actor/politician kung kumita o hindi ito sa takilya. Ang importante raw, makagawa siya ng isang makabuluhang pelikula na puwedeng ipagmalaki sa ibang bansa.
Pinasilip din ni ER ang layout ng sasakyan na gagamitin niya habang nagsu-shooting. Isang malaking tourist bus na ipina-convert niya sa mala-condo unit. May sala, kitchen, toilet, conference room at bedroom. Six million lang naman po ang halaga nito.
AYAW Paawat!
by Eddie Littlefield