PURO CRITICALLY-ACCLAIMED ang mga naunang pelikula ni ER Ejercito na Manila Kingpin: The Asiong Salonga Story, El Presidente, at Boy Golden. Kaya sinisiguro niyang pulido rin ang kalalabasan ng MM357.
In between takes ay lagi silang nag-uusap ng director nito na si Jun Posadas. Talagang on the spot ay nagri-revise sila ng mga eksena at dialougues kung kinakailangan para sa ikakaganda pa ng pelikula.
Remake ito ng pelikula ni FPJ na Muslim Magnum 357. Tribute daw ni ER sa yumaong Action King na ninong niya sa kasal. Sabi nga niya… “Gaya ng ibinilin sa akin ni Ninong Ronnie no’ng ako ay mayor pa ng nine years. Lagi siyang nagsI-shooting sa Pagsanjan sa Laguna. Sabi niya sa akin kahit politiko ka na, huwag mong kalimutan ang movie industry.
“Na… do your best to fim one movie a year to give jobs and employment to the movie workers. Dahil marami na ang walang trabaho. At ‘yong bilin niya rin na… patatagin mo ang action films. Iyon, hindi ko rin makakalimutan ‘yon.
“Sa ngayon, ako na lang yata ang gumagawa ng action film. Sunud-sunod for four years na. Sinabi rin niya sa akin na bukod sa movie workers ay tulungan ko rin daw ang entertainment media o ang movie press people. Kaya naman po mula pa noong mayor ako hanggang naging governor ay nagpapa-Christmas party po tayo taon-taon para sa kanila.”
What’s so special ba about FPJ’s Muslim Magnum 357 movie for him to do a remake of it?
“Well it was filmed by Fernando Poe Jr. during the time of President Cory Aquino noong 1986. Ngayon namang 2014, ginawa ko ito sa panahon naman ni Noynoy Aquino. At kung si Ninong Ronnie ay nakapag-shooting noon sa Blue Mosque sa Taguig, tayo naman for the first time ang nakapag-shooting sa Golden Mosque sa Quiapo.
“Nag-shooting din po tayo sa Tawi-Tawi. Sa oldest mosque in the Philippines na naroon na 400 years na mula nang maitayo. Sa pelikula ay ipinapakita po natin ang kagandahan ng mga mosque dito sa Pilipinas. May mga kukunan pa po tayo na magagandang mosque gaya ng nasa Marawi, gayundin sa Cotabato at Jolo. Ipakikita rin po natin ang customs and traditions ng mga Muslim.”
Isang Muslim na undercover police ang role ni ER sa MM.357. Ganito rin ang character ni FPJ sa sa ginawa nitong Muslim Magnum 357 noong 1996.
“Kaya lang siyempre, iba na ang panahon ngayon. High tech na. Kaya bukod sa 357 at espada ng muslim na kung tawagin ay kris, ay kumpleto tayo sa mga electronic devices. ‘Yong character ko, gumagamit na ng Apple computer dito.
“May tracking device din tayo at lahat ng iba pang ginagamit ng military at kapulisan ay ginagamit din po natin ngayon. Parang may pagka-Borne Legacy and Mission Impossible.”
Paano niya pinaghandaan ang role niya bilang isang Muslim na pulis?
“Inaral natin ang pagdarasal sa loob ng Mosque. Na siyempre bago magdasal ay naghuhugas muna at may kanya-kanya silang carpet bago magdasal kay Allah. Pinag-aralan din natin ang customs and traditions nila. Na mahigpit na iginagalang at inirerespeto ang mga kababaihan.
“At ‘yong… hindi sila umiinom ng alak at disiplinado. And ang pinakamaganda rito, ipinapakita ang tapang ng mga Muslim at ang pakikipaglaban nila. May mga kinonsulta tayong mga kaibigan mula sa Muslim Affairs, mga community head at iba pang matataas na opisyales na Muslim na sinusuportahan po tayo.”
Si Sam Pinto ang leading lady niya sa MM.357. At personal choice daw niya talaga ang aktres.
“Yes! We were trying to get Sam before pa, e. Sa mga nauna kong ginawang pelikula. Pero busy siya sa kanyang mga schedule. Pero fortunately naman ngayon e, maluwag ang schedule niya at tinanggap niya ang MM357.”
Bakit si Sam? Ano ang nakita niya rito?
“Well mahusay na artista si Sam. At magaan siyang katrabaho. Nakatrabaho ko na siya dati, e. Sa pelikula ni Senator Bong Revilla at Vic Sotto na Si Agimat At Si Enteng Kabisote.
“Mabait naman si Sam. At may mga kaibigan ako na kaibigan din niya.”
Rubbing Elbows
by Ruben Marasigan