ALAM NAMIN ang kagustuhan ni Gov. ER Ejercito na makapaglingkod uli sa bayan ng Laguna, kaya meron ka-
ming tip para sa kanya. Na sana ay baguhin na niya para na rin ‘yung mismong naniniwala sa kanyang kapasidad ay hindi na siya maitsismis sa ibang tao.
Ilan na ang nagpaparating sa amin ng hindi pagpapahalaga ni Gov. ER sa oras ng ibang tao, lalo na ng maliliit na taong pinaghihintay niya nang napakatagal.
Kunwari’y ang usapan ay 9am, darating siya ng 12 or 1 pm at ang idadahilan niya’y andami pa niyang inasikaso para sa bayan ng Laguna.
Si P-Noy noon, pinasaringan na siya na hindi siya sumusunod sa oras. Late siya ng dalawang oras at kalahati. At ang irarason niya’y hindi lang naman ang pagiging governor ang trabaho niya, dahil andami rin daw bumibisita sa bayan ng Laguna.
Sa kanyang caucus naman ay sobrang “pagsasalsal” na ang ginagawa ng mga hosts, pero wala pa rin siya. “Eh, probinsiya ‘yon, ang agang natutulog ng mga tao, pero darating siya, mag-aalas-dos nang madaling-araw at dalawang oras kung magsalita siya. Antok na lahat ang mga tao,” sabi sa amin ng isang coordinator ni Gob.
“Ang nakakalokah pa niyan, ha? Hindi kinakaya ng mga tao ‘yung imbes na itoka na lang ni Gob sa ibang tao ang pagbibigay ng allowance sa mga coordinators, siya mismo, siya mismo ang nagbibigay as in kung P1k kada coordinator ‘yon at sabihin mo nang limandaang tao ‘yon, eh ilang oras ang kakainin no’n? Wala ba siyang tiwala sa ibang tao pagdating sa paghawak ng pera?
“Kaya nga ‘yung mga coordinator, nate-turn-off na kay Gob, dahil hanggang ngayon, hindi pa rin importante ang oras sa kanya! Saka nagrereklamo na rin ‘yung mga pinangakuan niyang kandidato sa partido niya, hanggang ngayon, nga-nga sila at walang ibinibigay na budget si Gob!”
SABI PA ng kaibigan naming coordinator, “Saan ka naman nakakita, Papa O, usually, ang motorcade, sa araw ginagawa. Pero si Gob, 9:30 ng gabi ang motorcade at natatapos ng 2:30 am. Eh, ano’ng oras ba natutulog ang mga constituents niya?”
Nalulungkot kami, promise. Dahil anim na miyembro ng aming pamilya na botante ay sa Laguna nakatira at kami ang tinatanong kung iboboto pa raw nila si Gov. ER kasi maging sila ay marami na ring tsismis na naririnig tungkol kay Gob.
“Kayo ang bahala, pakiramdaman n’yo rin kung karapat-dapat iboto ang isang tao o kung me nagawang buti sa buhay n’yo!” sabi na lang namin.
For sure, ang next question ay kung naniniwala ba kami rito?
Hindi namin sasagutin ito, dahil hindi naman kami naging saksi, pero ilang presscon na ang ipinatawag para i-meet ni Gob. ER ang mga movie reporter, pero ang 12nn na oras ay hindi nasusunod, dahil 3pm or 3:30pm dumarating si Gob.
Juice ko, grabe rin siyang saluhin ng kanyang publicist na si Jobert Sucaldito at dinadaan na lang ni Jobert ang pagiging
late ni Gob sa pagpapatawa at pagpapahaba ng show para hindi mainip ang mga manunulat sa paghihintay.
Unang beses kaming u-
mattend na naghintay nang napa-katagal, that’s it. Hindi na namin inulit nu’ng mga sumunod na imbitasyon, dahil importante rin naman ang oras namin. At hanggang ngayon, usap-usapan pa rin ng mga reporter na, “’Pag imbitasyon ni Gov. ER, papa-late na rin ako, dahil hindi naman siya dumarating sa oras!”
Kaya sana, kung mauupong muli bilang gobernador ng Laguna si ER Ejercito, sana naman, Gov. marunong na tayong magpahalaga sa oras ng ibang tao. Pinaghirapan n’yo naman po ‘yang posisyon n’yo, kaya sana, ‘wag nating sayangin.
KASALUKUYANG NASA ICU ng Quezon City General Hospital si Tita Swarding at nakikipaglaban para sa kanyang second life. Sa mga natulungan ni Tita Swarding, baka puwede n’yo naman pong matulungan ang ating kaibigan.
Kinontak na namin si Governor Vilma Santos-Recto at nangakong tutulong kay Tita Swarding. Sino pa ba diyan ang puwedeng makatulong? Please, kailangan niya ngayon. Maraming salamat po!
Oh My G!
by Ogie Diaz