NOONG NABUBUHAY pa si D’ King Fernando Poe Jr., kinausap niya nang masinsinan ang kanyang inaanak na si Jeorge “ER” Ejercito Estregan at hiniling nito na kung maaari ay huwag niyang kalilimutang tulungan ang mga maliliit na manggagawa ng pelikulang Pilipino. Na kahit minsan sa isang taon, makagawa ito ng pelikula para magkaroon ng trabaho ang mga ito. Kaya binibigyan niya ng katuparan ngayon ang kahilingang ito ng kanyang mahal na Ninong Ronnie.
Hindi lang mga taga-pelikula ang kanyang natutulungan kundi pati na rin ang mga miyembro ng entertainment press na naging malapit na rin sa puso ni Gov. ER, at wala siyang pinipili lahat pantay-pantay sa kanya. Isa kami sa makapagpapatunay niyan dahil kami man ay hindi nagdalawang-salita sa kanya nang minsan mangailangan kami ng tulong medical. Marami rin sa aming kasamahan sa hanap-buhay ang minsan ay natulungan din niya. Lagi ring nagpapa- Christmas party for the movie press si Gov. ER tuwing buwan ng December. Kaya naman siya ang nahirang na Darling of the Press noong PMPC (Phil. Movie Press Club) Star Awards 2010.
Ang mga ganitong pagpapahalaga sa kapwa ang natimo sa kanyang isip, dahil sa ito rin ang ipinayo sa kanya ni D’ King: ang huwag mong pagkaitan ang mga taong humihingi sa iyo ng tulong, partikular na ang mahihirap at nakatatanda.
Kaya nga hindi kami nagtataka kung bakit hanggang sa ngayon, mahal na mahal siya ng kanyang mga kababayan sa Laguna na umaasam pa rin hanggang sa ngayon sa pagbabalik ng Agila bilang tunay na ama at lehitimong gobernador ng lalawigan.
Samantala, marami ang nagtatanong sa amin kung may pelikula pa bang kasali si Gov. ER sa Metro Manila Film Festival dahil maraming balitang naglalabasan na nagback-out na raw ang entry ni Gov. ER na Muslim, Magnum 357 (MM357) na remake ng pelikula ng kanyang Ninong Ronnie. At ang kumakalat na balita at lumabas pa sa isang broadsheet, na ang pelikula ni Manny Pacquiao ang ipinalit.
Well, sorry to say du’n sa mga nagpapakalat ng maling impormasyon, dahil tuloy na tuloy ang MM357. Dahil ang totoo pala nito, malapit na itong matapos at tahimik lang silang nagsi-shooting ng nasabing pelikula na pinaka-tribute ni Gov. ER sa kanyang Ninong FPJ at tribute din sa mga kapatid nating Muslim.
Speaking of our Muslim brothers, ibinalita sa amin ng isa naming kaibigang Muslim na nakatira sa Golden Mosque compound sa Quiapo na first time sa mahigit na 38 years ng pagkakatayo ng kanilang Mosque ay ngayon lang napag-shooting-an ito at laking tuwa nila, dahil si Gov. ER pa ang lumabas at gumawa ng remake ng pelikula ng kanilang idolong si FPJ. Kaya nga todo ang suporta nilang ginawa para maging smooth ang shooting doon ni Gov. ER.
Bukod pa roon, alam ng buong Muslim community ang kalingang ibinibigay noon ni Gov. ER sa kanilang mga kapatid na Muslim sa Laguna, kaya nga labis silang nalungkot nang puwersahang paalisin ito sa puwesto nina PNoy, Roxas, Brillantes, San Luis, at Hernandez. Sa kabila nito, nagbigay sila ng buong suporta sa pelikulang ito ni Gov na siyang bida sa MM 357, na ang leading lady ay si Sam Pinto sa direksyon ng batikang action director na si Direk Jun Posadas, handog ng Scenema Concept International at Viva Films. Kung saan kasama rin dito ang anak ni ER na si Jericho Estregan.
Si Gov. ER ay nagwagi at pinarangalan ng walong (8) Best Actor Awards – tatlo (3) mula sa FAMAS Awards, dalawa (2) mula sa Star Awards, dalawa (2) mula sa Gawad Pasado at isa (1) mula sa Luna Awards magmula sa kanyang tatlong pelikula na MANILA KINGPIN (The Asiong Salonga Story), EL PRESIDENTE (The Gen. Emilio Aguinaldo Story) at BOY GOLDEN (The Arturo Porcuna Story). Si Gov. ER ay pinarangalan din ni Ms. Susan Roces ng FPJ MEMORIAL AWARD for Excellence in Film Making. Puro quality films at Graded A ng Cinema Evaluation Board ang mga pelikula ni Gov. ER at maraming manggagawa na taga-pelikula ang nabibigyan ng trabaho at hanapbuhay. Si Gov. ER na ang bagong FPJ.
by Raymond Vargas