KABOG NA KABOG, as in sobra-sobra ang pagkaka-overtake ni Erich Gonzales sa ibang dati’y hinuhulang maging “next in line” to bigtime stardom. Nakakikilabot as in, nakakapanindig-balahibo ang launching presscon na ginawa noong Lunes para sa kanya ng Kapamilya network. Fit ‘ika nila, sa “Bagong Teleserye Princess” by virtue of her Katorse na magtatapos na sa Linggong ito at sa uumpisahang Tanging Yaman, kung saan kasama pa rin ng dalaga sina Enchong Dee at Ejay Falcon.
Kung dati-rati’y nakaupo lang lagi sa isang tabi si Erich, habang pinagkakaguluhan ang mas sikat, mas magaling, mas maganda niyang contemporaries sa Kapamilya network, this time, ang Katorse star na ang tinitingala nila ngayon. Hindi siguro sila makapaniwala na pinakakain na sila ni Erich ng alikabok.
Usap-usapan tuloy na hindi sapat ang ganda at talento sa pag-arte para tuluyan kang iluklok sa itaas. Kailangan ding maging mabait ka, magalang sa mas nakatatanda, marunong lumingon sa pinanggalingan, at likas na mabuting Kristiyano. Idagdag pa ang suwerteng hatid ng magandang kapalaran na sukli sa mabuting kalooban.
All these and more ang taglay ni Erich.
Hindi halos makapagsalita si Erich nang i-introduce siya ni Rowell Santiago bago pumasok sa animo’y presidential hall. Solong-solo niya ang red carpet. Pigil na pigil ang hininga (lalo na ang pagtulo ng mga luha) dahil sa hindi inaasahang sorpresa.
“Sobra naman po,” tangi niyang nasabi. At bukod sa pasasalamat, nakuha niyang ihayag na aayusin niya ang gusot sa kanila ni Ejay (Falcon) para lalong maging maganda ang pagsasama nila sa tapings. Inuulan kasi ng batikos si Ejay, dahil sa kayabangan daw nito, lalo’t ang pinagyayabangan ay si Erich mismo.
In a separate interview, nabanggit ni Erich na naawa siya sa binata dahil sa reaction ng movie press sa pag-iyak niya noong nakaraan niyang presscon. Lumala ito nang hindi niya pansinin sa ASAP habang kumakanta sila kasama si Enchong.
“Ako na po mismo ang gagawa ng paraan para maging magkaibigan kami uli. Ako na po ang kakausap sa kanya at hindi ko na po hihintayin ang paghingi niya ng sorry sa akin,” aniya na lalo naming hinangaan dahil pagpapakita ito ng isa pa niyang katangian. Humility and understanding. Alam din niya kasi ang family background ng binata. Tulad niya, galing din ito sa hirap at kailangan din ng pamilya nito na magtrabaho tulad niya. Para maiahon sa hirap ang kanyang pamilya. Kung mayroon mang pinagdaraanan si Ejay sa ngayon, nakahanda siyang unawain ito.
SAMANTALA, NAPUNA RIN ang billing ni Melissa Ricks sa Tanging Yaman. Kung saan bida ang dalaga sa Kambal sa Uma kasama si Shaina Magdayao, nagdudumilat ang katotohanan na suporta lang siya kay Erich sa teleseyeng ito. Kahit sa poster, napakalaki ng picture ni Erich, kung ikukumpara kay Melissa at iba pang supporting stars. At nasa likod pa sila ng malaking larawan ni Erich. Hindi nga halos lumilingon ang dalaga, dahil hindi niya mapaniwalaan ang kanyang nakikita.
Pinagdududahan tuloy kung totoo sa loob ni Melissa ang mga ngiti niya habang nagsasalita sa harap ng mga naroon. Kinu-question din ang pagiging late niya habang ini-introduce isa-isa ang mga characters ng teleserye. May nagsabi rin, sinadya ni Melissa ang pagpapa-late. Hindi raw totoong kagagaling lang nito sa Hawaii. Ayaw raw ng dalaga na nakaupo na siya habang tinatawag si Erich na solong rarampa sa red carpet.
MAS TOTOO RAW ANG saya at ngiti ni Matt Evans habang ipinakikilala bilang PSG (presidential guard) ng “pekeng anak” ng presidente ng Pilipinas (Rowell) at Unang Ginang (Agot Isidro).
Bawa’t biyaya kasing ipinagkakaloob sa kanya ng Panginoon, maliit man o malaki ay labis-labis na pinasasalamatan ng binata. Lagi-lagi.
“Basta trabaho, malaking tulong sa akin at sa aking pamilya. Bawa’t project ay nangangahulugang maipagpapatuloy ko ang obligasyon ko. Bawa’t ginhawa, maliit man o malaki ay regalo sa akin mula kay Bro,” katuwiran niya. Lagi-lagi.
Kung dati-rati’y inalis na niya sa kanyang isipan na makita pang muli ang tunay niyang ama, this time, gusto na niya itong hanaping muli.
“Kahit hindi ko pa siya nakikita magmula nang isilang ako, ‘yung mga itinuturing kong tunay na pamilya ngayon ang siya pang nagpapayo sa akin na bigyan ko ng importansya ang tunay kong ama. Kaya nga mahal na mahal ko sila.”
BULL Chit!
by Chit Ramos