ANG PAG-ULAN ng malakas na may kasabayang pagbaha ay hindi na bago sa Metro Manila. Ngunit ang pagbaha sa Ninoy Aquino International Airport ay hindi ko lubos maisip na kahit sa panaginip ay mangyayari. Ganito kalala ang kaganapan sa Metro Manila noong Martes na hindi lang nagpatigil sa mga sasakyan sa buong Edsa kundi pati sa paglipad ng dalawang eroplano sa NAIA.
Mahilig magtala ng bagong record ng pambihirang problema ang Metro Manila na may kinalaman sa urban planning nito. Mga establisyimentong nasusunog at pumapatay ng maraming tao, hindi mabilang na nakawan sa kalsada, carnapping, at riding in tandem crimes. Ano pa ba ang pambihirang problema na hindi pinagbibidahan ng Kamaynilaan?
Ang nakapanghihina ng loob ay tila wala namang solusyon ang gobyerno sa mga problemang ito. Ang mga naiisip nilang paraan para maayos ang mga gusot sa buhay ng mga nasa Metro Manila ay pawang walang nagagawang pagbabago. Lumalala pa nga ang problema sa paglipas ng panahon. Puro pulitika kasi ang inaatupag ng pamahalaan kaya ang mga pangunahing problema ng mga tao, gaya ng pagbaha at mabigat ng trapiko ng mga sasakyan ay pinababayaan.
SA TUWING uulan na lang ay natural ng magbabaha at magdudulot ng traffic sa mga malalaking kalsada gaya ng EDSA. Matagal nang problema ito ngunit bakit walang nagagawang solusyon? Maituturing na bang isang kanser ang problema sa pagbaha at traffic? Walang gamot at solusyon para maayos at mawala ang problema?
Sa ibang lugar sa mundo at marami sa mga kalapit nating bansa sa Asya ay may ganitong problema rin gaya ng Taiwan at Singapore. Ngunit nagawan nila ito ng solusyon. Nawala ang baha at traffic sa kanila. Ibig sabihin ay mayroong solusyon ngunit hindi lang ginagawa ng pamahalaan o baka hindi nila kaya ang gawain. Mahalaga na magagaling at matatalino ang mga namumuno sa gobyerno para magawan nila ng tunay sa solusyon ang problema.
Hindi naman dating nagbabaha sa EDSA ngunit ngayon ay tila nagagaya na ito sa España sa Maynila, na kapag bumuhos ang ulan ay asahan mo nang marami ang lulutang sa kalsada. Ano ang problema sa EDSA? Lubak-lubak man ang EDSA ngunit hindi naman mababa ang kalsada rito. Barado malamang ang mga lagusan ng tubig. Hindi nililinis, hindi minimintina. Ang problema kasi ay mahilig lang ang gobyernong maglinis kung may problema na. Hinihintay ang problema bago kumilos. Hindi yata uso sa pamahalaan natin ang salitang “preventive measures”.
NAKATULONG NGA ba nang malaki sa traffic ang pagbabalik ng pamahalaan sa Highway Patrol Group (HPG) sa EDSA? Natakot at sumunod naman ang mga pasaway na driver sa HPG kaya lang walang magagawa ang mga magagaling nating HPG sa traffic kung ang problema ay volume ng sasakyan at baradong mga kanal sa EDSA. Ito ang kalagayang hindi na magagawan ng paraan sa pamamagitan ng pagsunod lamang sa batas-trapiko.
Dapat nang linisin ang mga baradong kanal at lagusan ng tubig sa EDSA. Regular na maintenance dapat ang gawin nila. Kung kinakailangang gabi-gabi ay linisin nila ang mga kanal at dapat gawin nila ito. Sa Taiwan ay regular nang isinasagawa ang road maintenance gabi-gabi. Dapat pondohan ito ng pamahalaan dahil mas malaki ang nawawalang pera sa Pilipinas kapag napaparalisa ang trapiko sa Metro Manila. Sa isang pag-aaral ay sinasabing aabot sa 33 trilyong piso ang nawawala sa Pilipinas kada taon dahil sa malalang kalagayan ng trapiko sa bansa. Halos maaari nang maging pondo ito para sa mga proyekto ng bansa para sa isang taon.
Ito ang tunay na problema ng mga Pilipino kaya dapat ay seryosohin at iprayoridad ito ng pamahalaan. Anong saysay ng APEC sa Pilipinas kung ang traffic at baha ay hindi malutas? Isang simpleng problema na ang danyos ay parang malahigante sa laki. Kung kinakailangang kumuha ng mga magagaling na mga urban planners at eksperto sa ibang bansa, gawin na ito at pondohan. Kung hindi talaga kaya ng pamunuan ng Metro Manila Development Authority (MMDA) ang trabaho nito, palitan na sila o ‘di kaya ay buwagin na ang MMDA at palitan ng mas epektibong ahensya.
TALAGA YATANG bulok na bulok ang administrasyon ng NAIA dahil pati problema sa baha ay problema na rin nila. Isipin n’yo na lang na kung kayo ang may biyahe sa labas ng bansa at isang mahabang prosisyon ng mga sasakyan ang drdaan n’yo dahil sa traffic, at makikita ninyo na baha sa kalsada ang nagpabigat nito, talagang magagalit ka sa pamahalaan. Lalo na sigurong uusok ang ilong mo sa galit kung sa pagdating mo sa NAIA ay hindi pa rin makalipad ang eroplanong sasakyan mo dahil sa baha rin ang runway na daraanan ng eroplano.
Ganito na ba kalala ang minsan nang tinaguriang “worst airport in the world?” Nakababahala rin ang kaligtasan ng mga mananakay sa NAIA. Kung ang baha pa ang magiging sanhi ng isang sakuna ay talagang dapat nang isara na ang paliparan na ‘yan at gumawa ng bago. Dapat ding pagsisibakin ang mga namumuno sa NAIA dahil ang isang problema na hindi naman dapat problema ng isang matinong airport ay problemang malaki nila ngayon! Kailan pa ba naging barko ang isang eroplano? Sabi nga nila, “onli in da Pilipins” lang mayroong “eroplanong bapor!”
Ang Wanted Sa Radyo ay napakikinggan at napanonood sa 92.3 FM Radyo5 at Aksyon TV Channel 41, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm.
Ang inyong lingkod ay napanonood sa Aksyon Sa Tanghali sa TV5, Lunes hanggang Biyernes, 11:30 am-12:00 nn.
Panoorin ang T3: Alliance sa TV5 tuwing Sabado, 4:30 pm.
Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-878-8536 at 0917-792-6843.
Shooting Range
Raffy Tulfo