HABANG PAPALAPIT na ang eleksyon, pagulo nang pagulo na ang nangyayari dahil sa mainit na pangangampanya ng mga pulitiko.
Naawa naman ako kay Ervic Vijandre na tumatakbong konsehal sa 1st district ng Taguig.
Nu’ng Sabado lang, binugbog raw ito ng mga ‘di kilalang lalaki na naka-bonnet habang nangangampanya sila sa isang barangay sa Taguig.
Kuwento nga ng executive producer namin sa Startalk, nakapangampanya pa raw si Ervic, at nagulat na lang siya nang nabalitaan niyang nabugbog na ang mga kasamahan habang nag-iikot sa kani-lang lugar.
Dapat hindi nadamay si Ervic, kaya lang binalikan nito ang mga kasamahan niya na pinagbabato na raw ng mga taong naka-bonnet na ‘di nila kilala.
Nu’ng pagbalik daw niya, hindi niya namalayan, nahampas siya ng tubo kaya pumutok ang ulo niya.
Kaagad siyang isinugod sa St. Luke’s Hospital sa Global City kasama ang iba pa niyang kasamahan na nabugbog din.
Tinahi raw ang sugat sa ulo niya na naka-four stitches. Pero hindi na siya na-confine at pinalabas din siya agad.
Hindi lang daw nakaalis si Ervic du’n sa hospital dahil sobrang napuruhan ang ilan niyang kasamahan, lalo na ang isa niyang kaibigan na talagang sumusuporta sa kanya na walang bayad.
Parang nagi-guilty raw siya dahil sa kasasama sa kanya, napahamak pa ito.
Ayaw namang magbanggit ni Ervic kung sino ang may kagagawan, pero obvious naman daw kung sino ang mga kalaban nila, kaya balak nilang magsampa ng kaso laban sa mga ito.
Nu’ng nilabas nga namin ang kuwentong ‘yan sa Startalk, nagpadala ng statement ang abugado ni Mayor Lani Cayetano na kalaban ng mayor nina Ervic na si Rica Tinga.
Hindi lang namin naere ang pinadalang statement dahil na-overtime na kami.
Pero mukhang lalala pa ‘yang gulong ‘yan, pinag-iingat na itong si Ervic dahil malakas daw ito, eh.
MAS MAGULO rin daw sa Cavite na kung saan tumatakbo rin doon si Jolo Revilla bilang Vice Governor, si Lani Mercado naman na re-electionist sa Congress at si Bacoor Mayor Strike Revilla.
Ang balitang nakarating sa amin, tatlong lider na raw nina Sen. Bong Revilla ang napatay at may ilan pang nadamay.
Lalo pa raw magulo roon dahil sa mainit na ang labanan doon.
Kahit nga raw sa taping ng Indio ay mahigpit din ang security roon, dahil baka pati si Sen. Bong madamay pa.
Ayaw naman nilang magbanggit kung sino ang may kagagawan ng mga ito. Pero siyempre alam ‘nyo naman na labu-labo na ‘yan at lalong pang gumugulo dahil sa mga nakikisakay sa gulo sa pulitika sa Cavite.
Hay, naku! Kaya ayoko talaga ng pulitika dahil hindi ito kagaya ng showbiz na nagtatalakan lang, hindi nagpapatayan, ‘no!
Mga Mata ni Lolita
by Lolit Solis