LAST MONDAY, March 24, nagsampa na ng kasong libel si Erwin Tulfo laban sa Philippine Daily Inquirer. Ito ay dahil sa nalathalang report ng nasabing broadsheet noong March 19, 2014 na tumanggap umano siya ng suhol mula sa NAGCOR o National Agri-Business Corporation na isang ahensiya ng Department of Agriculture.
“’Yong pera do’n na ibinigay sa akin e galing daw sa PDAF,” pahayag ng batikang broadcaster. “Sinasabi ng Inquirer na suhol daw iyon at pinapalabas na… pinalabas ko na ito raw ay advertising o advertisement.
“Pero iyon naman ho ang totoo, eh. ‘Yong sinasabi nilang suhol, bayad iyon sa advertisement ng DA (Department Of Agriculture) sa aming opisina noon sa RMN (Radio Mindanao Network) sa DZXL sa pamamagitan po ng isang premium.
“Para po sa mga hindi nakaaalam kung ano ang premium, legitimate po ito. Sanction po ito ng KBP (Kapisanan Ng Mga Broadcaster Sa Pilipinas) at saka ng broadcast industry. Na bibigyan ka ng timeslot ng radio station… ng management, para mapuno mo ‘yong three minutes mo no’n, iyon ang suweldo mo.
“Sabi ko kung iri-retract ng Inquirer, wala na tayong kaso, eh. Or baguhin lang. I-rectify lang nang konti. Kahit naman hindi i-retract ng Inquirer, eh. Sabihin lang ng Inquirer… what we meant it wasn’t a pay-off but rather it was a payment. I-rectify lang nila one word, eh.
“Hindi na ‘yong bawiin ang report nila. Magkakapatid naman tayo sa industriya, eh. Sa diyaryo, sa radio, sa TV… magkakapatid naman tayong lahat. Ke sa news ka, columnist ka, showbiz ka, we’re all… brothers and sisters, ‘di ba?
“And may mga ebidensiya kami na advertisement talaga iyon. May kontrata ho, eh. Meron talagang advertisement. Nagsalita talaga, nag-voice over si Secretary Yap dati, eh. Kumpleto ho, eh. Meron pong kontrata. Tapos ‘yong tseke. At saka ‘yong resibo. Meron po bang suhol na reresibuhan? Hindi naman ho suhol ‘yon, eh.”
Aminado si Erwin na ikinabahala niya ang alegasyong tumanggap siya ng suhol mula sa NABCOR.
“Pero I know na malalagpasan ko nga ‘yon. And what I am saying is… my promise to everybody, ke sumusuporta sa akin, ke kalaban… I promise and I swear na hindi ko sila bibiguin at hindi masisira ang kanilang tiwala. Hindi ko ‘yon sasayangin. I promise.”
Sa katatapos na 5th Golden Screen TV Awards ng Entertainment Press Society, si Erwin Tulfo at ang mga kapatid niyang sina Ben at Raffy ang ginawaran ng Lifetime Achievement Award.
“Masaya ako dahil nakita at napansin ang aming pinaghihirapan. ‘Yong nakataya ang buhay mo and yet nakita na seryoso ka sa trabaho mo na gusto mong makatulong. Masarap na ‘yong nakatutulong ka and then suddenly may grupo pa na gaya ng ENPRESS na magsasabi na good job on what you’re doing… heto ang award n’yo. Mas doble ‘yong sarap. Mas doble ‘yong saya.”
Kilala sa pagiging fearless na broadcaster silang magkakapatid na Tulfo. Basta may ginagawang kamalian, walang habas sila kung pumuna at manita kaya naman inuulan sila ng death threats mula sa kampo ng kanilang mga natatamaan.
“Totoo ‘yon. It’s part of life, eh. Pero kung minsan, kapag mahina ang loob mo, then… maling propesyon o trabaho ka. Eh, kasama na sa buhay ‘yon, eh. Kaya kami, to protect ourselves, we have security to cover us. Kasi lalo na ‘yong likod namin, hindi natin alam kung sino na ang kalaban namin,” sabi pa ni Erwin.
Rubbing Elbows
by Ruben Marasigan