NATUTUWA SI Erwin Tulfo sa dalawang nominasyong nakuha niya sa PMPC Star Awards For Television na gaganapin ngayong Linggo, November 23 sa Grand Ballroom ng Solaire Resort and Casino.
Nominated si Erwin sa kategoryang Best Male Newscaster para sa Aksiyon, kung saan kabilang din sina Julius Babao para sa Bandila, Arnold Clavio for Saksi, Noli de Castro for TV Patrol, Mike Enriquez para sa 24 Oras, Ted Failon para sa TV Patrol, at Jiggy Manicad para sa Quick Response Team.
Sa Best Public Service Program Host ay nominated din siya at ang mga kapatid niyang sina Raffy at Ben Tulfo para sa T3. Ang iba pang nominees para rito ay sina Gus Abelgas ng SOCO, Atom Araullo ng Red Alert, Julius Babao ng Bistado, Karen Davila ng My Puhunan, Mike Enriquez ng Imbestigador, at Vicky Morales ng Wish Ko Lang.
Nakatataba umano ng puso na mapasali siya sa hanay ng mga nominees na pawang respetado at kinikilala ang kahusayan sa larangan ng broadcast journalism.
Kung ang mga artista ay nagkakaroon ng arch rivals, may gano’n din ba sa mga news anchors na gaya nila?
“Professional rivalry. Pero hindi ‘yong personal,” nangiting sabi ni Erwin. “Siyempre kailangan mo rin ‘yon as a professional. Iyon ang magiging gauge mo para pag-igihan mo pa, e. Kung merong isang tao rito na magaling, you have to better. Kunwari, senior siya sa ‘yo, hindi naman sa sosobrahan mo pa siya. Kundi at par with that person.”
Sino sa palagay niya ang puwedeng maging rival o katapat niya sa propesyon?
“Are we talking of age here?” natawang birong tanong ni Erwin.
Kung status bilang broadcaster ang pag-uusapan?
“Siguro since I do the prime news for Aksiyon, ‘yong kalaban ko riyan o ka-level ko ay si Noli (de Castro) because siya ‘yong nagdadala ng Patrol (TV Patrol). And then si Mike Enriquez sa kabila (GMA 7).
“Pero kung sa age ko naman, siguro sina Julius (Babao) o sina Arnold Clavio.”
Sino ang peg niya kung ang pag-uusapan ay excellence sa larangan ng broadcasting? ‘Yong kumbaga ay iniidolo niya na gusto niyang sundan ang naging takbo ng broadcasting career?
“Magsisinungaling ako kung sasabihin ko na hindi ko idol si Noli de Castro. It was Noli who gave me the break. It was Noli who taught me the ropes. Dahil no’ng pagdating ko rito, hindi ako marunong mag-Tagalog, e. Dahil nag-U.S. army ako, matagal ako sa Tate, so English spokening!” sabay tawa niya.
“Sabi ni Noli sa akin… kung gusto mong maging reporter ng TV Patrol bata, e kailangang mag-aral ka. Magbasa ka ng mga tabloid, making ka ng radyo sa umaga… pakinggan mo ‘yong programa ko. That’s what I did for one month. And then nagpi-pinch hit ako sa kanya… nagri-reliever. Kahit sa mga regular news reporter.
“Dahil police reporter ako. Under ako sa kanya (Noli). Binabasa niya ang script ko… o, ito mali ito, ganito-ganito. So, natatak sa ulo ko na ito ‘yon, e. Ito ang propesor ko, e. Hindi ko man gayahin, siyempre ‘yong mga traits na turo niya, parang nagagaya mo rin, e.”
Kanino sa mga baguhang news personality naman niya nakikita ang kanyang sarili noong siya ay nagsisimula pa lang?
“Sa mga reporter? Well… marami. Halos lahat naman sila, mga lalaki na magagaling. Like… si Atom Araullo sa ABS. Sa GMA at maging sa TV5, maraming mga bago na magagaling. Mga junior reporters na they really strive at talagang masipag.”
Bukod sa T3 at pag-a-anchor sa primetime newscast ng TV5 na Aksiyon gabi-gabi kasama si Luchi Cruz, meron din siyang radio program, ang Punto Asintado sa Radyo Singko every morning mula 8:00 am hanggang 10:00 am, kung saan si Martin Andanar naman ang ka-tandem niya.
Rubbing Elbows
by Ruben Marasigan