MAY PRESSURE daw para kay Erwin Tulfo ang kanyang panalo bilang Best Male Newscaster sa nakaraang PMPC Star Awards For Television. Pero karagdagang inspirasyon din daw ito for him sa patuloy niyang paghahatid ng balita sa primetime news ng TV5 na Aksiyon kasama si Luchi Cruz.
“Ngayon, of course kailangang mas lalo pang pag-ibayuhin ‘yong mas makatotohanan, mas sincere na paghahatid ng balita. Na walang takot,” aniya.
First time pa lang manalo ni Erwin bilang Best Male Newscaster. Pero noong taong 2003 ay nakatanggap na rin siya ng parangal bilang isa sa Best Morning Show Host para sa Magandang Umaga Bayan ng ABS-CBN, at noong 2004 at 2005 din para sa Magandang Umaga Pilipinas ng Kapamilya Network pa rin.
Sa tagumpay at mga recognition na nakukuha niya ngayon bilang broadcast journalist, ano ba ang maipapayo niya sa mga baguhan?
“You pray hard. And then you trust yourself, of course with the support of your family. And siguro you should never forget na when you’re down and going up… when you’re already up, huwag mong kalilimutan ‘yong mga tao sa baba na iniwan mo. Because wala kang patutunguhan na, e. If you forget them.”
Si Noli de Castro ang kanyang naging mentor. Hindi raw niya makalilimutan ang malaking naging kontribusyon nito sa kung ano siya bilang broadcaster ngayon.
“It was Noli who gave me the break. It was Noli who taught me the ropes. Dahil no’ng pagdating ko rito, hindi ako marunong mag-Tagalog, e. Dahil nag-U.S. army ako, matagal ako sa Tate, so English spokening!” sabay tawa niya.
“Sabi ni Noli sa akin… kung gusto mong maging reporter ng TV Patrol bata, e kailangang mag-aral ka. Magbasa ka ng mga tabloid, makinig ka ng radyo sa umaga… pakinggan mo ‘yong programa ko.
“That’s what I did for one month. And then nagpi-pinch hit ako sa kanya… nagre-reliever. Kahit sa mga regular news reporter. Dahil police reporter ako. Under ako sa kanya. Binabasa niya ang script ko… o, ito mali ito, ganito-ganito.
“So natatak sa ulo ko na ito ‘yon, e. Ito ang propesor ko, e. Hindi ko man gayahin, siyempre ‘yong mga traits na turo niya, parang nagagaya mo rin, e.”
Kanino sa mga baguhang news personality naman niya nakikita ang kanyang sarili noong siya ay nagsisimula pa lang?
“Sa mga reporter? Well… marami. Halos lahat naman sila, mga lalaki na magagaling. Like… si Atom Araullo sa ABS. Sa GMA at maging sa TV5, maraming mga bago na magagaling. Mga junior reporters na… they really strive at talagang masipag.”
Kung ang mga artista ay nagkakaroon ng arch rivals, may gano’n din ba sa mga news anchors?
“Professional rivalry. Pero hindi ‘yong personal. Siyempre kailangan mo rin ‘yon as a professional. Iyon ang magiging gauge mo para pag-igihan mo pa, e. Kung merong isang tao dito na magaling, you have to better. Kunwari senior siya sa ‘yo, hindi naman sa sosobrahan mo pa siya. Kundi at par with that person.”
Sino sa palagay niya ang puwedeng maging rival o katapat niya sa propesyon?
“Are we talking of age here?” natawang birong tanong ni Erwin.
Kung status bilang broadcaster ang pag-uusapan?
“Siguro since I do the prime news for Aksiyon, ‘yong kalaban ko riyan o ka-level ko ay si Noli (de Castro) because siya ‘yong nagdadala ng Patrol (TV Patrol). And then si Mike Enriquez sa kabila (GMA 7). Pero kung sa age ko naman, siguro sina Julius (Babao) o sina Arnold Clavio.”
Malapit na ang Holiday Season. Ano ang plano niya this Christmas?
“Probably go on vacation with my family. We’re looking at… London. Manonood kami ng Miss Saigon,” nangiti ulit na huling naging pahayag ni Erwin.
Rubbing Elbows
by Ruben Marasigan