OKEY RAW para kay Erwin Tulfo ang ginawa ng management ng TV5 na pagririgodon ng mga anchors sa iba’t ibang news programs nila. Ito ay sa layunin nga raw na mas gumanda at tumibay pa ang news and public affairs department ng Kapatid Network.
“Siguro ang nakita nila to reinforce it, magkaroon ng rigodon,” aniya. “Ang management ang nakaaalam no’n, e. Kasi may grupo kami who does the surveys like that. Na ito babagay rito, ito babagay sa kanya.
“Di ba si Cheryl (Cosim) at si Paolo (Bediones) dati, talagang magkasama na sila. Mukhang click sila. And then kami ni Luchi (Cruz Valdez), ‘yong hepe (ng News And Public Affairs ng TV5) mismo at ako… veteran na newscaster. So, pinagsama nila.
“Si Cherie (Mercado) naman at saka si Raffy (Tulfo) ang pinagsama. Matapang si Raffy. So, pinartner-partner nila. Tinandem-tandem nila. At mukhang okey naman. Dahil dumami pa ‘yong mga commercials namin because of that.
“‘Yong rating, pareho. Pero ‘yong commercials nadagdagan. Siyempre sa lahat naman ng negosyo pati nga sa diyaryo, commercial o mga advertisements. At saka parang iyon din ang hinihingi ng mga advertisers.”
Kumustang katandem si Luchi bilang news anchor?
“Okey naman. I mean… very aware siya sa mga nangyayari. At saka hands on siya. Tutok talaga. Sa lahat ng bagay naman, minsan pumapalpak ang mga tao. E, siya mismo right there and then… ayusin n’yo ‘yong ganito, gano’n. So, alam niya. Aware siya.”
Nakape-pressure ba sa parte niya na ang kanyang ka-tandem bilang news anchor ay ang chief nga ng kanilang news department?
“Hindi. Wala ring iniwan ‘yan kapag double byline ka sa diyaryo na ang kasama mo ay ang editor in chief mo sa isang special report. You do your job, ‘di ba? Kung magaling ka na rin na…. ‘Yon lang siguro… ang kinakabahan lang, kapag mga bagito. I respect her (Luchi), because of her knowledge. Not only because boss ko siya but rather do’n sa malawak na kaalaman niya. Biro mo galing pa siya sa Siyete (GMA 7). Galing din siya sa Dos (ABS CBN). So, I respect her for that. As other than naging hepe ko siya. Kapag kapartner mo na kasi, you respect your partner. At saka ‘yong alam niya at ‘yong kanyang skills din, e.”
Bago siya napunta sa news department ng TV5, may mga datihan nang anchor ang Kapatid Network gaya nina Martin Andanar at Jove Francisco. Sa pagpasok niya ay tila naungusan kaagad niya ang mga ito.
“Parang wala ring ipinagkaiba ‘yan sa mga artista, ‘di ba? May mga artista ka na nandiyan na na inalagaan mo na pero may bago ka. So, parang tinatangkilik ng tao dahil bago, e. ‘Di ba? Na ‘yong viewers… tingnan natin kung swak siya sa TV5 na galing siya ng ABS. Parang si Paolo (Bediones din) no’ng lumipat na… uy, first time niyang magnu-newscast, galing siya ng GMA na iba ang mga programs niya at more of entertainment. Para sa akin, hindi naman masasabing nakasapaw kami ni Paolo sa mga dati nang nagnu-newscast sa TV5.
“Kagaya nga ni Martin (Andanar), naging ano naman siya… nasa management level na siya ngayon. From being a talent or as an anchor before ng TV5, naging head siya ngayon ng News 5 team. Malaking responsibility. Pero gano’n pa man, tingnan mo… meron pa rin siyang mga program. May news si Martin sa gabi. Siya muna ang nagrelyebo kay Paolo and at the same time may program din siya sa umaga.”
Sino sa palagay niya ang puwedeng maging rival o katapat niya sa propesyon?
“Are we talking of age here?” natawang birong tanong ni Erwin.
Kung status bilang broadcaster ang pag-uusapan?
“Siguro since I do the prime news for Aksiyon, ‘yong kalaban ko riyan o ka-level ko ay si Noli (de Castro) because siya ‘yong nagdadala ng Patrol (TV Patrol). And then si Mike Enriquez sa kabila (GMA 7). Pero kung sa age ko naman, siguro sina Julius (Babao) o sina Arnold Clavio.”
Kanino sa mga baguhang news personality naman niya nakikita ang kanyang sarili noong siya ay nagsisimula pa lang?
“Bilang reporter? Maraming magagaling. Pero ‘yong parang ako when I was just starting, siguro si Atom Araullo. Pero lahat halos ng junior reporters ngayon, they really strive at masisipag.”
Rubbing Elbows
by Ruben Marasigan