BALITANG-BALITA NGAYON ang ginawang pangongopya ng isang mag-aaral sa Unibersidad ng Pilipinas (UP), ng isang larawan na isinali sa isang patimpalak kung saan siya ay nagwagi ng karangalan at perang papremyo.
Dahil dito, nakatanggap siya ng maraming batikos lalo na sa mga netizen. Bumuo na rin ng isang komite ang UP para mag-imbestiga sa isyung ito. Tila ang katapatan ay hindi na rin yata natututuhan maging sa mga premyadong paaralan.
Mabuti na lang at ang programang Wanted Sa Radyo ay nagsisilbing eskuwelahan na ang itinuturo sa mga tao ay maging matapat, marangal at kabayanihan.
Ang karangalan ng pagiging matapat dati ay kadalasang nakakubli lamang sa sarili at walang external na motibasyon maliban sa pansariling paniniwala, relihiyon at prinsipyo. Ngayon, sa pamamagitan ng programang ito ng Wanted Sa Radyo, nagkaroon ng behikolo upang maging lantad ang kabutihang damdamin ng isang tao, gamit ang mass media upang maiparating ito sa kaisipan ng mas nakararami.
Ang programa ay naging matagumpay upang maipalaganap ang kaisipang may gantimpala ang pagiging matapat at ang pinakamagandang gantimpala ay ang karangalang maibibigay ng ordinaryong tao sa kanyang pangalan at pamilya.
Araw-araw dinaragsa ang action center ng Wanted Sa Radyo ng mga taong nag-iintrega ng mga mahalagang bagay na napulot nila para maibalik sa mga may-ari nito.
At dahil dito, sa tuwing ikahuling Biyernes ng buwan, inilalaan ng Wanted Sa Radyo ang araw na ito bilang isang espesyal na araw ng pagkilala sa kanila. Sila ang mga bukod tanging klase ng mga mamamayan na hindi nagpapadala sa tukso at hindi nasisilaw sa kinang ng salapi.
ANG BAWAT isa sa atin ay makahuhugot ng inspirasyon mula sa kanila sa gitna ng kaliwa’t kanang napababalitang katiwalian na nagaganap sa ating bayan na kinasasangkutan pa man din ng mga namumuno sa ating pamahalaan.
ANG 12TH Gawad Katapatan Award ay ginanap noong nakaraang Biyernes sa studio ng Radyo5, sa TV5 Compound sa 762 Quirino Highway Brgy. San Bartolome, Novaliches, Quezon City. Ang mga tumanggap ng nasabing karangalan ay sina: (1) Ericson R. Mayo, nagsoli ng P5.5 million halaga ng mga alahas. (2) Ferdinand B. Laguinday, nagsoli ng 100 million Peruvian dollars. (3) Joel M. Dayap, nagsoli ng wallet na may lamang P7,873.00. (4) Eddie B. Bercilla, nagsoli ng iPhone 5. (5) Arnel M. Vargas, nagsoli ng iPhone 5. (6) Eric D. Canada, nagsoli ng iPhone 5. (7) Dominador S. Asuncion, nagsoli rin ng iPhone 5. (8) Esteban B. Cachuela, nagsoli ng dalawang cellphone, mga passport at mahalagang dokumento. (9) Eugenio P. Pabuayan, nagsoli ng Samsung Galaxy S. At (10) Rogel R. Cerilla, nagsoli ng wallet na may lamang P3,000.00 at mga perfume.
Ang Wanted Sa Radyo ay napakikinggan sa 92.3FM, Radyo5, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00pm. Ito ay kasabay na napanonood sa Aksyon TV channel 41.
Shooting Range
Raffy Tulfo