NITONG NAKARAANG Undas ay naging usap-usapan na naman ang mga konseptong kumikiliti sa isipan ng maraming tao gaya ng kaluluwang ligaw, kaluluwang nasa langit at impiyerno. Saan nga ba napupunta ang mga kaluluwang humiwalay na sa katawang lupa? Ano ang saysay ng pagpunta natin sa sementeryo bukod sa pagsunod sa kultura at pakikipagkapwa-tao sa mga kaibigan at kamag-anak?
Sa aking pakikipag-usap ay nakilala ko ang isang ordinaryong manggagawa sa Department of Education (DepEd). Marami akong nalaman sa kanya at nalihis ang usapan namin mula sa metapisikal na aspeto ng mga konseptong kaluluwa, langit at impyerno, patungo sa mas makatotohanang problema ng mga kaluluwang buhay at nananatili sa kanilang mga katawang lupa. Sumagi rin sa usapan ang empirical na konsepto ng langit at impiyerno sa lupang kinatatayuan ng mga buhay na tao.
Ang artikulong ito ay naglalayong pag-usapan ang isang pagbabahagi ng hirap at problemang dinaranas ng mga ordinaryong manggagawa sa kamay ng DepEd mula sa natural at tuluyang daloy ng pagsasalaysay ng isang simpleng taong nakakuwentuhan ko. Ang karanasang ito ay nagmulat sa akin ng mas reyalistikong bunga ng mga maling patakaran ng pamahalaan partikular sa DepEd.
AYON SA kuwento at pagbabahagi ng manggagawang ito ay maituturing niyang naging mas mahirap ang buhay ng mga manggagawa sa DepEd at maihahambing mo ang kahirapang ito sa konsepto natin ng impiyerno mula sa perspektibo ng simbahan. Masasabi rin ayon sa aking kausap na malayo ang konsepto ng kasaganahan sa langit sa kasalukuyang kalagayan ng mga tao sa DepEd.
Ang problema ay nag-uugat umano sa naging kalakaran ng DAP. Dahil tila pinipilit na makatipid ng DepEd sa operasyon nito, partikular sa mga benepisyo ng mga manggagawa, malaking pagbabago ang ipinatupad nito hinggil sa mga patakarang lubos na nakaaapekto sa mga manggagawa. Ang pagpapatupad halimbawa ng mga polisiyang maihahambing sa kontraktuwalisasyon na kopya sa pribadong estilo ng pamamahala sa mga manggagawa. Kasabay nito ang pagkawala ng maraming benepisyong dati ay tinatamasa ng mga ordinaryong manggagawa ng DepEd at ngayo’y nawalang lahat.
Ang duda ng mga manggagawa, at ako’y naniniwala sa ganitong pagtingin, pinipilit nilang makatipid upang may makuha ang pamahalaan na pondo na kalauna’y tinawag nilang “savings” na inilagak naman sa DAP ng Pangulong Aquino. Ang kapalit ng pamumulitikang ito sa pondo ng DepEd ay kalbaryong hirap ng mga manggagawa na animo’y pinarusahan sila ng sumpa ng impiyerno. Kinukulang ang kanilang kinikita para sa pang-araw-araw nilang pangangailangan at marami rin sa kanila ang napilitang umalis at mag-resign dahil sa isang masalimuot na sitwasyon.
HINDI KO sukat akalaing ang kapalit ng “savings” daw ng mga sangay ng gobyerno ay paghihirap sa kabuhayan ng mga ordinaryong manggagawa ng gobyerno. Ang pilit na pagpapatakbo sa mga sangay ng gobyerno gamit ang kaisipan at prinsipyong pribado ang tila yata nagpapahirap at pumapatay sa ating mga kababayang nagsusumikap na mamuhay bilang ordinaryong manggagawa ng pamahalaan. Hindi naman siguro maaaring ilagay sa parehong konteksto ang mga pribado at manggagawang gobyerno. Malaki ang pinagkakaiba ng dalawang uri ng manggagawa sa prinsipyo at layunin kaya hindi maaaring igaya o itulad ang sistemang gobyerno sa pribado.
Halimbawa ay ang usaping security of tenure ng mga nasa gobyerno na hindi mo makikita sa pribadong mga kumpanya. Ang pagpapatupad ng isang mala-kontraktuwalisasyon na patakaran sa DepEd ay tila lumalabag sa karapatang konstitusyunal ng isang manggagawang nasa gobyerno. Dahil pinipilit ng ating pamahalaan na patakbuhin ang mga opisinang gobyerno na gaya ng sa pribado ay hindi ito nagiging makaturangan para sa mga manggagawa.
Ang pag-aalis din ng mga dati nang benepisyo ng mga empleyado ng DepEd dahil wala itong katumbas sa mga opisinang pribado na may hawig sa kanilang ginagampanang trabaho, ay malaking pagmamaramot at pagpapahirap sa kanila. Kaya rin naman napakasakit para sa mga manggagawang gobyerno ang malaman na ang kaban ng bayan ay ninanakaw lang ng mga tiwaling opisyal ng pamahalaan.
DAPAT AY pag-aralan nang mabuti ng pamahalaan ang estilong mala-pribado sa pagpapatakbo ng mga opisinang gobyerno. Sa ngayon ay nakikita kong hindi ito nakatutulong sa mga manggagawa. Hindi rin natin maaaring alisin ang kapakanan at kabutihan ng mga manggagawa at sumentro lamang sa trabaho at pagpapaunlad ng sangay ng gobyernong ito. Ang karamihan sa mga pribadong opisina ay nakasentro ang lahat ng atensyon sa kita at ikauunlad ng opisina. Hindi dapat ganito ang pag-iisip dahil inaalipin nito ang mga tao at kinakasangkapan lamang. Taliwas ito sa pagbibigay halaga sa tao ng lipunan ayon kay Karl Marx.
Kung magpapatuloy ang ginagawang pang-aapi ng DepEd sa mga ordinaryong manggagawa nito ay hindi malayong maapektuhan nito ang kapakanan ng buong bansa. Dapat ay gaya ng sa konsepto ng kalangitan ay maging patas ang DepEd sa kanyang mga manggagawa. Dapat ay bigyang prayoridad ng DepEd ang mga dating benepisyong inalis nito sa kanyang mga manggagawa.
Kung hindi ito gagawin ng DepEd ay tila gumagaya ito sa mga pang-aaping ginawa ng mga prayle sa mga Pilipino noong panahon ng pananakop ng Kastila. Ayokong isipin na tila hindi lamang si “father” o mga paring Kastila noon ang mapang-api kundi isang “brother” din ng kasalukuyang panahon.
Ang inyong lingkod ay napakikinggan sa Wanted Sa Radyo sa 92.3 FM Radyo5, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm. Ito ay naka-simulcast din sa 101.9 FM sa Cebu at Davao. Sa Cagayan de Oro ito ay kasabay na napakikinggan din sa 101.5 FM at sa 97.5 FM naman sa General Santos City. Samantalang sa Bacolod City naman ay sa 102.3 FM.
Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-87-TULFO at 0917-7-WANTED.
Shooting Range
Raffy Tulfo