NAG-ADJOURN ANG SENADO nang hindi nadedesisyunan ang isinusulong at pinagdedebatehang censure sana ni Senador Manny Villar kaugnay ng umano’y partisipasyon niya sa kontrobersiyal na “double insertion” sa C-5 road extension project.
Malamig ang loob ng session hall dahil iilan lamang ang senador na sumipot para talakayin ang ulat ng senate committee of the whole na nagdiriin sa standard bearer ng Nacionalista Party. Walang korum sa Senado dahil binoykot ng mga kaalyado ng naiipit na senador ang sesyon bukod pa sa dalawang senador na hindi talaga makadadalo – sina Senador Antonio Trillanes IV at Senador Ping Lacson na kasalukuyang nasa Hongkong.
Matatandaang nauna nang nagpahayag si Senate President Juan Ponce Enrile na may mga usap-usapang hindi raw nga darating ang mga kaalyado ni Villar. Pero umaasa raw s’yang haharapin ng mga ito ang kaso bilang dignified na mga mambabatas.
Samantala, mayroong lampas tatlong buwang bakasyon ang mga mambabatas para tumutok sa eleksiyon. Magbabalik sila sa May 31, 2010 pagkatapos ng eleksiyon.