SUCCESSFUL ANG PAGDAYO ng Willing Willie sa Davao last Saturday. Talagang hindi mahulugang-karayom sa rami ang mga dumagsang tao para saksihan ang live airing doon ng nasabing programa.
Kagaya ng ipinangako ni Willie, talagang bumuhos ng papremyo para sa iba’t ibang game portions at hindi naging mahirap para sa mga naging contestants na mapanalunan ang mga ito.
May mga nag-iisip nga na dahil walang umuwing maliit ang napanalunang premyo, tila giveaway na raw ang pananalo ng mga contestants. Lalo na ‘yung winner ng one million, isang house and lot, at isang van. Hindi raw kaya puro letter ‘W’ lahat ang nakalagay sa mga natatakpang frames ng pinaiikot na roleta kaya nakuha ng ginang ng isang laborer ang jackpot prize?
Well, ano namang masama kung ipaghalimbawa mang sinadya na papanalunin ng major prizes ang mga naging contestants sa katatapos na Willing Willie tour sa Davao? Ibig lang sabihin, totoo si Willie sa sinabi niyang mahal niya ang mga taga-Davao at gusto niyang maging memorable sa mga tagaroon ang pagdayo ng show niya.
At least, may taga-Davao na sinu-werteng mabago ang takbo ng kapalaran at makaranas ng magandang pamumuhay.
Naman!
TALAGANG PINANIN-DIGAN ni Eugene Domingo ang pagkakaroon ng production number sa opening ng bagong game show ng TV5 na Lucky Numbers which had its initial telecast kahapon.
And in fairness to her, keri naman pala niya ang pagsasayaw. Making her the first and only dancing game show host ng bansa sa ngayon. Ano kayang sey dito ni Kris Aquino na dati ay namayagpag bilang pangunahing game show host ng Philippine television?
Sundan kaya niya ang trend na sini-set ngayon ni Uge na hindi lang basta naghu-host ng isang game show kundi todo-bigay sa pagsayaw ng opening number ng show and at the same time, nagpapatawa rin?
Anyway, nakakabilib ang dedikasyon ni Uge na ibigay lahat ang demands na hinihingi sa kanya bilang host ng Lucky Numbers. Lalo na sa production number na kailangan niyang gawin.
Kahit pa sa ending ng ginawa niyang dance number ay parang nanginig ang buo niyang katawan nang bigla siyang kabitan ng kable sa likod at hilahin at paliparin paitaas para abutin ang first number na bubuo sa kumbinasyon ng mga numero for that episode. Tapos pagbaba niya, parang wala lang.
Umpisa pa lang daw ‘yon ng mga nakakalokang production numbers ni Uge na ikagugulat ng viewers. Sa susunod kaya, tutulay siya sa alambre o kakain ng apoy?
Why not? Ang sabi kasi ni Eugene, lahat kakayanin niyang gawin.
Ganyan?
SA MULING PAGHARAP ni Robin Padilla sa press recently kaugnay ng inuumpisahan na niyang i-promote na movie nila ni Mariel Rodriguez na Tum: My Pledge Of Love, marami ang nakapuna sa pagiging mas mukhang bata niya ngayon. Ang biro nga sa kanya, nakapagpabata raw yata nga sa kanya ang pagkakaroon ng asawang 26 year old na si Mariel nga.
Reaksiyon naman ng action superstar, “Siguro una ‘yong pananampalataya. Pangalawa, siyempre iba rin ‘yung kausap mo laging tawa nang tawa. Iba ‘yon. Umaga pa lang, tawa kayo nang tawa. Matutulog kayo, tawa kayo nang tawa. Iba ‘yong ibinibigay ng tawa sa tao.”
August 19 last year ikinasal sina Robin at Mariel sa Agra, India. Balak daw nilang ituloy ang kanilang church wedding this July which was originally planned nitong nakaraang December sana .
Tungkol naman sa pagkakaroon nila ng baby, no plans yet pa raw. At choice daw nilang dalawa ‘yon na huwag muna. Aniya, “Kasi nga, unang-una gusto kong samantalahin ‘yung pagkakataon na ako lang ‘yung sentro ng buhay ni Mariel.
“Ako lang, gigising ako, matutulog ako. Kapag kasi nagka-baby na kami, wala, second class citizen na tayo. Hindi na tayo ang aasikasuhin. Siguro after two years, puwede na. Iyon ang hiningi ko kay Mariel. At okey naman sa kanya.”
‘Yun na!
Rubbing Elbows
by Ruben Marasigan