THE MEDIATRIX: “Let’s give them space!” ‘Yan ang request ni Vilma Santos nang makaharap ang press sa launch ng Nutrition Education Advocacy niya for Bear Brand, para sa anak na si Luis Manzano at sa nakakalabuan nitong girlfriend na si Angel Locsin.
Hindi naman daw nagkuwento ng detalye sa kanya si Luis sa dinadaanan nito at ni Angel na problema sa kanilang relasyon. Pero nag-react din pala si Ate Vi nang mabalitaan niyang sa press conference ng kanilang In My Life ni Luis (with John Lloyd Cruz), eh, maraming press ang nagtampo at nagalit sa binata dahil sa dating na may pinapaboran itong sabihan ng mga bagay-bagay tungkol sa nangyayari sa love life niya ngayon.
“Ako rin naman ang nag-advice kay Luis na less talk, less mistakes. Kaya, huwag na kayong magalit sa kanya. Magiging un-gentleman naman ang dating ng anak ko kung magsasasalita siya samantalang wala rin namang sinasabi si Angel. Malay natin, baka naman nagpapahinga lang sila and iaayos din nila ang lahat, ‘di ba? Hindi naman natin mapapangunahan ang mga ganoong bagay.”
Sa ex-husband naman niyang si Edu Manzao na may na-etsa puwera sa kanyang speech nang tumanggap ng award sa MTRCB TV Awards, ipinagtanggol din ito ni Ate Vi.
“Kilala ko si Eduardo. I’m sure, he didn’t mean what he said. Hindi naman niya maiwawaglit ang mga panahong nakatanggap siya ng award from the PMPC. Dahil siguro ‘yun ang dalawang bagong award for him, kaya niya nasabi ang mga bagay na ‘yon. But I’m sure naman, kapag nagkita-kita kayo at malambing-lambingan na kayo ni Eduardo,eh, mapapawi rin ang lahat.”
Hindi na Doods ang tawag niya kay Edu?
“May Ralph (Recto) na ako, ‘no! ‘Yung Doods, term of endearment ko sa kanya ‘yun nu’ng may romansa pa sa pagitan namin. May lambing pa, siyempre. Ngayon, family pa rin naman kami and friends.”
DO IT OR…Walang tatalo sa naging istratehiya ng mukhang magiging strong na kalaban ni Ai Ai delas Alas sa pagiging Reyna ng Komedi sa panahong ito na si Eugene Domingo. Sinu-shoot pa lang nila ang Kimmy Dora (Walang Kiyeme), Kimmy Dora na ang pangalan ng kanyang bukid sa Farm Town sa Facebook. At araw at gabi nitong walang puknat na ina-upload ang mga photo sa shoot nila para magkaroon ng ng ideya ang mga manonood nito. Kaya hanggang sa mag-showing na ang pelikula, buong komunidad ng Face Book na abot ng kanyang powers, eh, laksa-laksa’ng nagsusuguran sa sinehan para paulit-ulit pa siyang panoorin. Word of mouth. Laway lang ang puhunan sa patuloy na pagpo-promote ng bida. At walang pinapalampas na segundo sa Face Book man, sa chat, sa text, sa e-mail, sa tawag sa telepono, sa tsikahan, sa watering hole nila sa Taumbayan at maganda naman ang naging resulta. Panalo ang Spring Films nina Piolo Pascual, Erickson Raymundo, Shane Sarte at B. Joyce Bernal.
Gaya ng naging tagumpay ng Tanging Ina ng Box-Office Comedy Queen na si Ai- Ai, dapat sigurong mas may tuminding kasunod ang Kimmy Dora.
The Pillar
by Pilar Mateo