Alam kaya ni Eugene “Uge” Domingo na nanganib siyang ingudngud sa lababo ng ilang taong nanood sa Preview ng Kimmy Dora na ginanap sa Shang. Cinema 4?
Ang yabang-yabang daw kasi ng dating niya. Hindi lang daw itong laging nakapulupot kay Piolo Pascual (pagpasok sa sinehan) sinakmal pa ang labi ni Dingdong Dantes. Kaya, tiyak ding masasabunutan ito ng sangkatutak na tagahanga ni Marian Rivera.
“The Nerve!” sabi nila. “Nagbida lang, astang superstar na. Tama ang sabi ni Direk Joyce (Bernal) na ang kapal ng mukha niya!”
Kaya nga daw hindi sila lumapit kay Uge nang pumila ito sa comfort room dahil tulad nila’y ihing-ihi na rin. Hindi lang daw nila ito magawa sa loob ng CR dahil maraming movie press at fotogs na nakasunod. “Mahirap na makunan kami, magkaroon pa ng ebidensya!”
Sana, nagbibiro lang sila dahil, balitang selosa at seloso ang mga tagahanga ni Piolo, Dingdong at Marian. Pati nga ang inyong lingkod ay inirapan ng mga ito nang lapitan ko para kamayan si Uge at sabihing, “A star is born!”
“Huwag n’yo pong kunsintihin!” bulong nila sa inyong lingkod nang pababa na kami sa mahabang hagdan. Hindi ko na sila napaalalahanan na pelikula lang ang napanood nila at na-carried away lang si Uge kung kaya’t ganun ang nasaksihan nila.
Wawarningan ko na lang si Uge na huwag hahara-hara sa mga lobby ng mga sinehang pagtatanghalan nito sa opening baka totoo nga ang mga pasaring na ito ng mga iyon.
On the other hand, saludong-saludo ang movie press kay Direk Joyce dahil minsan pa niyang pinatotohanan na kahit ano’ng pelikula ay kayang-kaya niyang gawin at seryosohin. Kahit sinasabi niyang tawa sila nang tawa ni Papa Piolo every after Uge’s take, kitang-kita ang ebidensya na ang galing-galing talaga niyang director.
Natitiyak naman ng Bullchit na mahahatak ng Kimmy Dora ang AB audience dahil makikita nila ang sarili sa karamihan ng eksena ni Uge. Pero, hindi naman sila nagpabaya dahil alay din ito ng Spring Films at MJM Productions sa masa.
“Blog kami nang blog sa internet para ipaalam na maaaliw sila sa panonood. Inaamin naman naming medyo high end ang ilang eksena, pero, pagtatawanan nila ang character ni Kimmy at Dora na nakikita nila sa mga kakilala nilang sosyal!” sabi ni Eric Raymundo na co-producer na rin pala ng pelikula. Nabalitaan ko rin later, mula pa rin sa kanya, na base sa preview ng MTRCB at threatre owners, they decided to produce ng isa pang kasunod na pelikula.
Buhos din ang tulong ng mga nagmamahal kay Papa Piolo at direk Joyce. Kahit popcorn lang ang ipinakain sa inyong lingkod ni direk Joyce, ipinagdarasal ko pa rin na maging isang blockbuster ang project. Binuksan din ng Sharon show ang appearance ni Uge para mai-plug ni Papa Piolo ang second attempt niya at film producing.
Baka mauna pa silang mag-plug kaysa kina Gary Valeciano at Martin Nievera para sa As 1 concert na ipalalabas sa MOA sa Sept. 20, kung saan makakasama din nila sina Rap Salazar, Julian Marcos, Trono, Neil Pedroza, at X10 dancers.
Pati si Jobert Sucaldito ay minention din sa kanyang The Buzz portion at sa plugging ng 1st MTRCB Awards Night na magaganap sa Friday, Sept. 4 sa Gateway Cinema 5 Cubao Q.C. ang Kimmy Dora at appearance ni Uge bilang isa sa mga presenters.
BULL Chit!
by Chit Ramos