SUCCESSFUL ANG NAGING exclusive press screening ng Kimmy Dora (Kambal sa Kiyeme) ni Eugene Domingo sa Cineplex,Shangri-la EDSA. For the second time around, hindi na naman sinipot nina Dingdong Dantes at Zanjoe Marudo ang nasabing event. Ano na naman kayang dahilan ang kanilang ikakatwiran ?Hindi na namin inaalam kung bakit. I’m sure, anik-anik na paliwanag lang ang maririnig mo so, bakit pa ?
Ang importante, nandu’n sina Uge at Piolo Pascual together with friends –business manager Erickson Raymundo, acclaimed cinematographer Shayne Sarte and blockbuster director Bb. Joyce Bernal. Nakilala ang actress/comedienne sa pagiging sidekick o best friend ng mga bida sa telebisyon at pelikula. Hindi matatawaran ang mahusay niyang pagganap sa mga karakter na tumatak na sa puso ng masang Pilipino. “There are no small roles, only small actor,” simpleng sabi ni Eugene.
Inamin ni Eugene nahirapan siyang gampanan ang roles ni Kimmy at Dora Go Dang Hae, kambal na magkaibang-magkaiba ang personalidad. Matalino, sexy at ambisyosa si Kimmy, Dora is simple, shy and sweet. Nape-pressure ba si Uge dahil ito ang kanyang first title role ?
“Siyempre, may halong kaba sa dibdib habang papalapit na ang showing ng pelikula namin. Confident naman ako magugustuhan ito ng publiko. Ibinigay ko ang best ko rito, happy ako sa naging resulta nito. Na-feel ko ang kanilang suporta mula sa mga artista, director at mga taong malaki ang pagtitiwala sa akin,” say ni Uge.
Eugene is overwhelmed by the blessings she has been receiving lately. “I’m sure, may ibig ipahiwatig si Lord kung bakit nangyayari ito sa akin. Hindi tayo dapat mawalan ng pag-asa, maghintay lang tayo at manalig sa kanya.Kung sa akin nangyari ito, mangyayari din ‘yung break na hinihintay natin. Kailangang paghirapan para makuha mo ang rewards na ukol para sa ‘yo. Sipag, tiyaga at pasasalamat sa Maykapal sa lahat ng blessing na dumarating sa atin,”sambit ni Eugene.
Glossy ang pelikula kahit indie film, hindi nabigo si Direk Joyce sa mga eksenang nakakatawa, buong ningning naman itong nagampanan ni Uge. In her first starring role, kesehodang magpagulong-gulong sa putikan, batukbatukan, hampas-hampasin, halos tumulay na sa alambre ang dalaga, mag-enjoy lang ang manonood. Wala siyang pakialam kahit nananakit na ang buo niyang katawan sa hirap at pagod habang ginagawa niya ang nasabing pelikula.
Damang-dama namin ang hirap na pinagdaanan ng magaling na komendyante sa mga eksenang matatawa kang talaga! Hindi nagpipilit si Direk Joyce magpatawa, maging ang mga artistang nagsisiganap, ‘yung sitwasyon ang nakakatawa talaga na swak sa panonood.
Nag-blend naman sina Dingdong at Zanjoe bilang leading man ni Eugene. Aliw kami sa kissing scene nina Dingdong at Eugene. Ikinaloka pa namin ang mga eksena nina Uge at Miriam Quiambao, ginawang punching bag nito ang dating beauty queen. Pinakamatindi at super nakakatawa ‘yung eksena nina Kimmy Dora with his father Ariel Ureta na nagpapanggap siya si Kimmy. Grabe, masasabi naming funniest film of the year itong launching movie ni Eugene. Riot sa katatawanan, worth watching talaga!
AYAW Paawat!
by Eddie Littlefield