Eugene Domingo, inindiyan nina Dingdong Dantes at Zanjoe Marudo by Eddie Littlefield

MARAMI ANG NA-disappoint sa hindi pagsipot nina Dingdong Dantes at Zanjoe Marudo sa mismo press con ng kanilang pelikulang Kimmy Dora na launching movie ni Eugene Domingo. Marami tuloy sa press ang maagang umalis, expected kasi nila ang pagdating ng actor. Hindi naman raw kasi pelikula ito ni Dingdong Dantes, bakit kailangan pa niyang umapir  para suportahan ang actress/comedienne.

Agad nagpaliwanag si Direk Joyce Bernal kung bakit hindi nakarating ang dalawang leading men ni Kimmy Dora. “Supposed to be darating talaga sila kung maagang nagsimula ang press con. “Kausap ko si Dingdong, nasa workshop siya para ng Stairway to Heaven with Rhian Ramos. Sabi ko sa kanya, tatawagan ko agad siya kapag nagsimula na kaso, hindi agad nakapagsimula. Kaya lang, kung dumating si Dingdong hindi siya puwedeng magtagal dahil may mga tao ding naghihintay sa kanya, kailangan din niyang bumalik sa workshop. Mabibitin naman ang press kung nasa kalagitnaan ng interview biglang na lang aalis si Dongdong, nakakahiya naman, di ba? Si Zanjoe nagpasabing hindi makakarating dahil may taping siya.”

Maging sa poster ng kanilang pelikula hindi man lang daw inilagay ang mukha ni Dingdong. “Actually, bago namin pina-print ang posters pinakita muna namin kay Dingdong ang iba’t ibang layout. Siya mismo ang pumili nang layout para sa poster. Alam ni Dingdong na ito ‘yung poster na gagamitin, solo lang si Eugene,” pahayag ni Direk Joyce.

Kung talagang gugustuhin ay makararating daw si Dingdong. Alam natin very supportive ang guwapong actor kay Ugi. Hindi siguro kagustuhan ng binata na hindi siya maka-attend. Nagtataka lang kami kung bakit binigyan pa ng schedule nang araw na ‘yun ang dyowa ni Marian Rivera? Isinabay pa sa petsa at oras ng launching movie nila ni Eugene. Alam naman ng GMA na may presscon ang kanilang alaga. Bakit hindi na lang nila ini-schedule ang workshop after ng presscon para walang naging problema . Marami tuloy ang nag-iisip na baka may kinalaman ang Kapuso network sa pang-i-Indian ni Dingdong sa sarili nitong presscon.

MASAYANG KUWENTUHAN, TAWANAN SA last taping day ng Only You with Diether Ocampo, Sam Milby, Angel Locsin at direk Rory Quintos. Pangarap pala ni Diether na mag-produce ng pelikula na inspired sa pelikulang Nanay Kong Tatay nina Dolphy at Nino Muhlach na dinirek ni Lino Brocka noong dekada 70. Napanood kasi niya ang pelikulang ito noong bata pa siya.Hanggang ngayon nakatatak pa rin sa isipan ni Diet ang naiibang character na ginampanan ng Comedy King.

“ ‘Yung role ni Tito Dolphy as a gay person ang gusto kong gampanan. First time akong gaganap na gay role sa pelikula and I think it’s a big challenge on my part as an actor. Either kina Direk Olivia Lamasan or Rory Quintos ang gusto kong magdirek. Bagong version na adaptation pero hindi re-make, puwede pa kasi palawakin ‘yung kuwento at magdagdag ng character. Nasa isip ko si Piolo Pascual sa role ni Kuya Ipe, si Santino sa role ni Nino. Kapag nagkataon, exciting ang first venture ko as a producer. Gusto kong panindigan ang pagiging producer kapag pinasok ko na ito. Hindi ko papasukin ang isang bagay na hindi ko kayang panindigan. Marami akong kaibigan na gustong magproduce at gustong sumuporta sa movie industry, ” excited na kuwento ni Diet.

Nagkausap na pala sina Diether at Mang Dolphy sa lamay ng Nanay ni Maricel Soriano, ibinigay na nito ang blessing sa actor. “Paalis na nga bumalik pa si Tito Dolphy para tanungin ako kung talagang gusto ko ang Tatay Kong Nanay. “Alam mo bang hindi ako nanalo ng award sa pelikulang ‘yan?” Sabi ko, kung sino man ang hurado ng mga panahon ‘yun , I’m sure by now nagsisisi, they all know you deserved a recognition for that,” aniya.

AYAW Paawat!
by Eddie Littlefield

Previous articleTanda Ba News?: Anne Curtis: Naispatan lang sa isang fastfood!
Next articlePia Moran, gustong magpa-rehab by Tita Swarding

No posts to display