Literal na pasabog ang ending ng pelikulang “Ang Babae Sa Septic Tank 2: Forever Is Not Enough” at kahit kami ay nagulat nang mapanood namin ito sa isang special screening. Hahagalpak ka talaga sa nangyari kay Uge sa ending ng movie niya.
Maganda ang pagkakatahi ng pelikula at walang boring factor dito. Hindi maiinip ang moviergoers habang pinanonood ang pelikula dahil mahu-hook sila sa character ni Eugene bilang “Eugene” sa pelikula.
Nakadagdag pa rito ang karakter din nina Jericho Rosales at Joel Torre na na-involve pareho kay Eugene. Ayaw naming maging spoiler kaya hindi namin ikukuwento kung ano ang kaugnayan ng dalawang magaling na actor sa komedyana.
Another good part ng movie ay ang mga monologue ni Eugene while talking to Kean Cipriano na director naman ang role sa “Septic Tank 2”. In fairness kay Kean, nakayanan niyang makipagsabayan kay Eugene, huh! Hindi siya nagpalamon sa mga eksena nito.
Hindi man ganu’n kahaba ang role ni Jericho, pero tatatak naman ito sa manonood dahil sa kanya atat na atat si Eugene na maging leading man. Si Joel, medyo kinawawa ang role sa movie, huh!
Sa last part ng pelikula, kung saan natupad ang wish ni Eugene na magkaroon ng mas batang leading man kesa kay Jericho, magugulat ang audience kung sinong ipinalit niya rito. Biglang naging cradle snatcher ang drama ng hitad, hahaha!
Dahil sa consistent performance ni Eugene sa “Septic Tank 2”, napakalakas ng laban niya for Best Actress. Pero siyempre, kanya-kanyang taste naman ‘yan ng judges.
La Boka
by Leo Bukas