HINDI LANG namin alam kung nabigla o nagulat din si Eugene Domingo at mga kasama sa TV show nilang Celebrity Bluff na napapanood every Sunday sa GMA-7 na mawawala rin sila, in short, tsugi na ang show.
‘Di ba ikinagulat daw at nauwi pa raw sa pagtatampo ang pagkakatsugi ng HOT TV ng host na si Raymond Gutierrez kaya ‘di na ito dumating sa last airing ng show two Sundays ago?
Anyway, sanay ay ‘di katulad ng nangyari sa mga host ng HOT TV ang pagkatsugi ng kanilang show sa nangyaring pagkakatsugi ng Celebrity Bluff, hosted by Eugene Domingo, Jose Manalo at Wally Bayola.
Ayon naman sa ilang nakausap namin sa GMA-7, talagang alam naman daw ng mga host ng bawat program sa GMA-7 kung hanggang kailan sila tatagal sa air. Dahil sa bawat kontrata raw na pirmahan ng mga artist, nakalagay rin sa kontrata kung hanggang kailan tatagal ang kanilang serye or show.
LAST MONDAY na nagsimula ang gamutan para sa acid reflux at lalamunan ni Regine Velasquez. Base na rin sa nasagap naming gagawin proseso ng gamutan, ‘di naman daw ito delikado. Pero mabusising pag-aalaga ang kailangan para bumalik sa dati ang kundisyon ng boses ng Songbird.
Nakaapekto raw sa lalamunan ng singer ang acid na umaakyat sa kanyang esophagus mula sa kanyang stomach. Ito rin daw ang dahilan ng paghapdi ng lalamunan at hirap ng pagsasalita ni Regine.
Dahil sa kakaibang nararamdaman sa sakit ng Songbird kaya ito nagpa-check up kaagad. Resulta ay sinabi ng doctor na kailangang gamutin ang kanyang acid reflux.
Sa check-up, nalaman na nagkaroon ng pagbabago sa porma ng lalamunan ni REgine kaya kinailangang sumailalim din siya sa isang voice therapy.
Nagsimula ang pagbabago sa katawan ng singer/actress nang mabuntis at manganak. Matagal din kasing napahinga sa pagkanta kaya ‘di nito nagagamit ang mga muscle ng kanyang lalamunan na dati ay halos araw-araw siyang kumakanta.
Kaya kailangang sumailalim siya sa isang voice exercise at iwo-work out uli ang kanyang lalamunan para gisingin ito uli.
Unang gagamutin ay pakalmahin ang acid nito sa tiyan para hindi ito umakyat sa kanyang lalamunan. Kailangan din ng talagang pahinga ni Regine para hindi masyadong umatake ang kanyang acid reflux.
Isang buwan ang hininging bakasyon ni Regine sa GMA-7, pero ‘di pa nito masabi kung hanggang kailan tatagal ang gamutan para sa acid reflux. Ang voice therapy ay magiging regular na para sa ikatitibay na rin ng kanyang lalamunan.
Pero Regine makes sure na oras na magaling na magaling na siya ay mananatiling isa siyang Kapuso talent.
HUMARAP SA press si Senatoriable Cynthia Villar kasama ang husband na si Senator Manny Villar na inorganiza naman ni Mother Lily Monteverde na ginanap sa Imperial Palace.
Humingi ng sorry si Cong. Cynthia sa naglabasan na nega sa kanyang speech about sa Pinoy nurses natin.
Pinagdiinan ng misis ni Senator Villar na misquoted lang daw siya sa interview, pero ang totoo ay sobra ang ginagawa niyang proteksyon para sa nurses natin.
Napunta ang tanungan ng press sa mag-asawang Villar sa anak nilang si Camille na naging co-host ni Willie Revillame sa show nito sa TV5.
Nag-aaral ngayon si Camille sa ibang bansa at sa pagbabalik ng dalaga ng bansa ay papayagan pa nila muling pasukin ng anak ang showbiz?
Payag ang mag-asawa kung ‘yun daw ang gusto ng kanilang anak. Susuportahan daw nila pero hangga’t maaari ay kung puwede mag-concentrate ang anak nila sa iba.
Samantalang nangako si Cong. Villar na kapag nasa Senado na siya ay ipagpapatuloy niya ang maiiwang batas na isinusulong ng husband na si Senator Manny Villar.
Oh. C’mon!
By Gerry Ocampo