HINDI RAW naging mahirap para kay Eula Valdez na gumanap bilang ina ni Dr. Jose Rizal. Ito ay sa kauna-unahang bayani serye ng GMA 7 na Ilustrado kung saan bida si Alden Richards.
First time niyang mag-portray ng isang historical figure. Kaya raw excited siya.
“Hindi naman mahirap. Nasa post production ‘yong hirap, e. Kaming mga artista sa cast, kailangan lang naming mag-deliver ng kung ano ‘yong hinihiling sa amin. Gano’n lang. Nakakapagod lang, na kasi tatanda ako rito. So, maraming mga araw na… tanda-bata, tanda-bata. And masakit sa mukha ‘yong ano… pagtanggal-tanggal ng makeup at pagpapatanda. Tapos ‘yong costume, mainit siya actually. Medyo mabigat. Sabi ko nga… kawawa naman ang mga labandera no’ng araw!” napahalakhak na sabi pa ni Eula.
Marami raw mabibigat na eksena si Eula. Isa sa highlight nga raw para sa kanya ay ‘yong part na nalaman niyang papatayin na ang kanyang anak na si Rizal.
“Ando’n ‘yong bilang ina, nararamdaman ko ‘yong kung anong pakiramdam nila sa totoong buhay noong panahon na iyon knowing na kapag umuwi ‘yong anak mo ng Pilipinas ay papatayin. ‘Di ba? Siyempre ando’n ‘yong bigat ng loob bilang ina at sa buong pamilya ni Rizal. Iyon. Mabigat sa loob ‘yon, e.”
Unang beses lang niyang makatrabaho si Alden. Pero bilib daw si Eula sa aktor.
“Magaling siya na bata. Nakikitaan ko siya ng promise. At saka ‘yong attitude niya, iyon ang ina-ano ko, e. Kung tatagal ba o hindi. Kasi depende sa attitude ng baguhan, e. ‘Di ba? Nararamdaman ko at nakikita ko na seryoso siya. At gusto niyang magtagal sa industriya. Gusto niyang magtagal talaga. At gusto niyang mag-improve, kasi sa teknikal na aspeto, medyo nagtatanong-tanong din siya. Iyon ang naoobserbahan ko sa kanya.”
Very vocal si Alden sa pagsasabi na he really looks up to Eula. At thankful nga raw ang aktor na nagkasama sila dahil napakagaan daw niyang katrabaho.
“Siya rin naman kasi. May mga araw na sa isang tent lang kami magkakasama. Siyempre inoobserbahan mo siya. Ako, tinitingnan ko siya kung… ‘yon na nga ang nasabi ko kanina na parang wini-weigh mo kung tatagal ba itong bata na ‘to o hindi? ‘Di ba? And ang napansin ko sa kanya, ano lang siya… napaka-cool na bata. Kahit gaano katagal siyang maghintay, okey lang sa kanya. Pero alam mong medyo ano na siya… may something nang negative na nararamdaman. And yet hindi niya ipinapakita unless mapag-usapan. No’ng early part nga ng pagtatrabaho namin, natanong ko siya… ikaw ba ‘yong sa The Road?” banggit ni Eula sa isang horror film na ginawa ni Alden under GMA Films.
“Kasi kapag nanonood ako ng TV during late night, mahilig ako sa mga nakakatakot na palabas. So, tinanong ko… Alden ikaw ba ‘yong pumapatay sa The Road? Sabi niya… ‘opo, bata pa po ako no’n.’ And then sabi ko… okey a, bagay sa ‘yong role kasi hindi give away na ang bait-bait ng hitsura, tapos pumapatay pala, ‘di ba? Ano siya… very effective. Ako man, hindi ako nahirapan sa kanya.
“Kasi unfortunately, may mga nakakatrabaho kang artista na… hindi nagbibigay. Siya, kasi mother and son ang role namin, e. Ano siya, isang tingin mo lang sa kanya… kumbaga meron kaming isang eksena na medyo mabigat, wala kang maririnig sa kanya. Hindi katulad ng ibang baguhan na… naku, kinakabahan ako. Siya hindi. Open. Very open siya. Kapag take na, ang bilis. And hindi lang ‘yong tipo na alam mong nagpapaluha kundi… may karga siya.
“ And siyempre since katrabaho ko na siya, kapag nakita ko sa dyaryo na may write ups siya, binabasa ko rin. Para ‘to know him more, ‘di ba? Kasi minsan, nakakahiya namang magtanong… uy, ano bang buhay-buhay mo riyan? ‘Di ba? So, ‘yon. Very pleasant siya. Maganda ang attitude niya towards work. Sobrang tiyaga. And seryoso siya.
“Sabi ko nga pati ‘yong technical side e, inuusisa niya. So, alam mong hindi lang humihinto sa pag-aartista ‘yong gusto niyang mangyari sa buhay niya.
“And isa pang gusto ko sa kanya, very loving siya sa family niya. Importante rin ‘yon. So, doon din malalaman mo kung anong klaseng tao, ‘di ba?” sabi pa ni Eula.
Rubbing Elbows
by Ruben Marasigan