KALUGUD-LUGOD KAMAKAILAN ANG mga kabutihang ginagawa nina Toni Gonzaga, Marian Rivera at Dingdong Dantes. Sila kasi ‘yung tipo ng mga artista na dahil sa kani-lang kasikatan, limitado na ang oras kahit para sa kanilang mga sarili, dahil lagi silang busy sa kanilang mga trabaho sa telebisyon at pelikula. Pero napapatunayan sa kanilang mga pagdamay ang kabutihan ng kanilang mga puso kapag hinihingi ng pagkakataon.
Katulad na lamang ni Toni, dahil mayroon siyang tagahanga na isang cancer patient, na nag-wish na makita siya sa personal. Ang ginawa ng magandang TV host, dinalaw niya talaga sa hospital ‘yung bagets na may karamdaman at sumasailalim na sa pagpapa-chemotherapy. Kalbo na ‘yung ba-gets, na kahit nasa ba-nig ng karamdaman ay guwapo pa rin. Nu’ng hindi pa nalalagas ang kanyang buhok ay mas lalo siyang guwapo. Ang saya-saya niya nang makita niya ang sister ni Alex Gonzaga.
Isang dalagita naman na mayroon ding sakit na kanser ang humiling na makita nang personal ang mga idolo niyang sina Marian at Dingdong. Maganda rin ang dalagitang may karamdaman na napasaya nina Dingdong at Marian. Ito lang ang nakatutuwa kay Marian, na kahit naiisyuhan siya ng pagiging mal-dita niya na diumano’y mayroon daw tinatagong masamang ugali, marami pa rin siyang kabutihang ginagawa na hindi alam ng marami. Sa katunayan, marami na siyang pasyenteng may karamdamang kanser ang nagawa na niyang dalawin dati na hindi naibabalita.
Kaya hindi nakapagtataka na patuloy na dumarating kina Toni, Marian at Dingdong ang magagandang suwerte sa showbiz. Hindi kasi sila madamot sa mga mun-ting kahilingan sa kanila na ang resulta ay makapagpapaligaya sa ibang tao. Hindi makakalimutan nina Toni, Marian at Dingdong na naging masaya rin sila, dahil nabigyan sila ng pagkakataon na makapagpangiti ng mga taong may malulubhang karamdaman.
MAHABA PA ANG lalakbayin ng usaping nagsimula sa kontrobersiya ng programa ni Willie Revillame sa TV5, ang Willing Willie, lalo pa’t nagsimula na ngang mapagdesisyunan, na hindi na muna ito mapapanood sa telebisyon. Nariyan pa nga kasi ang mainit na pagpapatutsadahan ng mga taong kumakalaban at nagtatanggol kay Revillame. Pero bago namaalam sa ere ay may inulit na namang pambubuwelta ang komedyanteng TV host na ikinawindang ng mga taga-showbiz.
Nakakaawa si Willie. Kahit nakahiga na siya ngayon sa limpak-limpak na salapi, hindi na talaga niya makuha ang katahimikan at malayang pagtatrabaho sa telebisyon sa pamamagitan ng kanyang programa, ayon sa gusto niya at ayon na rin sa kung ano ba talaga ang kanyang motibo kaya gusto niyang laging mapalapit sa publiko na sinasabi niyang mahal niya at malapit sa kanyang puso na sinasabi niya ring tunay na nagmamahal sa kanya. Kasi nga, lagi na lang inaabot ng kapalpakan ang show niya.
Itong huling paglilitanya ni Willie ay nakakatakot na rin. Mahuhuli mo si Willie sa kanyang mga salita, na wala na rin siyang ipinagkaiba sa mga pulitikong tao na kumakandidato. Lumalabas na sa kanyang bibig ang mga panunumbat na: “Sila ba ay nakakatulong? Nakakapagpasaya ba sila ng mga tao?” Nagbibilang na rin siya ng mga nagawa niya. Kung mayroon man siyang mga nagawa at naitulong, ibang tao na ang dapat na magpahayag noon para sa kanyang kapurihan. Sa totoo lang kasi, mayroon namang mga taong malalapit sa kanya na nangangalandakan noon pa man hanggang ngayon, ng kanyang mga kabutihan daw na nagagawa sa ibang tao, kaya bakit kailangan pa niyang ipagdiinan iyon? Ah, ewan! Look na lang ako sa sky kapag nangyari, na sa dulo ng mga plano ay tatakbo rin pala bilang kandidato si Willie.
ChorBA!
by Melchor Bautista