NABUKO NA ni Bureau of Customs Commissioner Ruffy Biazon kung sino ang utak at kasabwat ng sindikatong nabuwag kamakailan sa loob ng bureau.
Sa inisyal na pagsisiyasat ng BOC, nahubaran agad ang mga hinayupak sa likod ng mga “hao shiao” na rumaraket sa Aduana.
Isang “Rene” pala ang may pakana ng pangongotong ng pitong “hao shiao” sa mga lehitimong broker/importer sa Aduana.
Si “Rene” na dati nang nangongotong sa Aduana ay nagpakilala pang kamag-anak ni Comm. Biazon at dikit daw siya sa asawa nito.
Pero ang totoo, parekoy, si Comm. Biazon ay wala talagang kinalaman sa kalokohan ng hinayupak na si “Rene” kaya minsan nang pinagsisipa ng da-ting kongresista ang mga alipores ng hayupak.
Napag-alaman din na hindi siya kamag-anak ni Comm. Biazon at hindi rin ito kilala ng misis ni Comm. Biazon.
Natuklasan pa sa imbestigasyon na kinakaladkad ni Rene sa kanyang sindikato ang pangalan ng isang presidential adviser upang siya’y katakutan sa Aduana.
Madalas ding makita si Rene na gumagala sa BOC at sa mga okasyon kung saan imbitado si Commissioner Biazon at bigla ring lumilitaw ang kanyang anino.
Ang akala tuloy ng marami, sina Biazon at Rene ay very close pero ang totoo, gimik lang talaga ng ogag na ito na maglalapit sa maiimpluwensiyang tao para masabing “may malalakas siyang kapit”.
Kaya nang malaman ni Biazon na itong si “Rene” ang mastermind ng mga kawalanghiyaan sa bakuran ng BOC, batay sa paunang pagsisiyasat na isinagawa ni Enforcement Security Service (ESS) chief, Gen. George Aliño, agad niyang iniutos na mangalap pa ng matitibay na ebidensiya upang makasuhan ang kumag.
Ayon pa sa intel report na nakalap ng ESS, kaya naman pala matagal nang nakapangraraket si Rene sa mga pantalan e, protektado naman siya ng isang BOC official na dating militar, isang alyas “Teddy”at isang alyas “Jojo K.”.
Dahil sa proteksiyon ng tatlong bugok na ito, ang sindikato o ‘yung pitong “hao siao” at si “Nilo” na mga tauhan ni Rene ay nakapangongotong sa mga lehitimong importer/ broker na may transaksiyon sa BOC.
Para magmukhang legal ang kanilang lakad sa mata ng mga player sa Aduana, nagtayo pa sila rito ng opisina at gumagamit ng pekeng Customs ID.
Dalawa sa pitong nadakip na bata ni “Rene” ay mga broker pa ng Jade Brothers Brokerage.
Ngayong buking na ang raket ng sindikato, ang kanilang utak at mga kasabwat sa BOC, tiyak tapos na ang kanilang maliligayang araw.
Hindi na sila makatatakbo at hindi na rin makapagtatago kapag sinampahan na ng mga kaso.
Kudos Commissioner Biazon! Sige, ubusin mo ang mga salot d’yan sa BOC!
Makinig sa ALARMA Kinse Trenta sa DZME 1530kHz, 6-7 a.m., Lunes-Biyernes. May live streaming sa www.dzme1530.com. Ipaabot ang anumang reaksiyon sa [email protected]; CP no. 09098992775/ 09166951891/ 09321688734.
Target
ni June Briones
[email protected]
09152121303