HINDI MAITATANGGI na likas sa mga kabataan ngayon ang maraming kaibigan. Nariyan ang mga kaibigan nila sa loob ng apat na sulok ng classroom. Nariyan din ang mga kaibigan nila sa mga kanya-kanyang organization o club. Nariyan din ang mga kaibigan sa buong kolehiyo. Nariyan din ang mga BFF nila sa kanilang high school. Nariyan din ang kanilang mga childhood best friend sa elementarya at nariyan din ang kanilang mga kalaro sa kapit-bahay. Kaya paniguradong pagdating ng Pasko, kabi-kabilaan ang mga Christmas Party na kanilang pupuntahan at panigurado ring sandamakmak na exchange gifts ang kanilang sasalihan.
Kaya, mga bagets, nauubusan ka na ba ng mga ideya na puwedeng ipang-regalo sa iyong ka-monito/monita? Nahihirapan ba kayo na kung ano ang maaaring mabili sa halagang P250 na talagang magugustahan niya? Mahirap talaga ‘yan lalo na kung hindi pinangalanan ang ka-exchange gift mo at wala pa siyang wish list na isinulat.
Kung gusto mong maging “safe” sa ireregalo mo at kung gusto mong masigurado na magagamit niya ang ibibigay mo, bakit hindi mo subukang sundin ang limang tips ko para sainyo.
- Planner
Mapa-lalaki o mapa-babae man, tiyak na magagamit niya ang planner. Magandang Christmas gift pa ito lalo na’t pagkatapos ng Pasko, konting tulog na lang, magba-bagong taon naman. May mga planner din na mura lang pero maganda na ang dating. ‘Yung iba nga may kasama na ring ballpen pa.
- Gift Certificate o Gift Cheque
Kung ayaw mo na pahirapan ang sarili mo sa pag-isip ng maaari mong iregalo, gift certificate lang ang solusyon diyan. Sa mga department stores dito sa atin, nagbebenta sila ng mga gift card na maaari mong ipangregalo. Oo nga naman, kapag ito ang ibinigay mo, makasisiguro ka na talagang ‘yung gusto niya ang mabibili niya.
- Movie passes
Tuwing Pasko, kasabay rin niyan ang mga sangkatutak na bagong palabas sa sine. Malamang, ipinagdidiwang din kasi natin ang pelikulang Pilipino sa panahon ng Pasko sa pamamagitan ng pagdaos ng Metro Manila Film Festival. Kaya, puwede ring bumili ka na lang ng dalawang movie passes na may matagal na expiration date at ito na lang ang ipangregalo mo. Tiyak naman na may gusto siyang panoorin sa sine, makakasama niya pa ang espesyal sa buhay niya.
- Libro
Maganda ring ipangregalo ang mga libro. Pumili ka ng mga inspirational books o kaya mga libro na nagtatalakay ng success life stories. Kung gusto mo naman, ‘yung librong maaaring makatulong sa love story ng reregaluhan mo, Papa Jack o Ramon Bautista books ang ibigay mo. ‘Di ba? Naka-inspire ka pa?
- Pera
Kung ayaw mo na talaga mag-isip ng ipangreregalo at kung ayaw mo na ring mamroblemang magtungo sa mga mall para bumili, pera lang ang solusyon diyan! Isilid mo na lang sa napakagandang sobre o sa ampao ang pera na ibibigay mo. Ganyan kadali, walang kahirap-hirap.
Ayan, siguro naman, wala nang dahilan para mahirapan ka pa sa pag-iisip ng pang-exchange gift. Maganda rin na samahan mo ng kahit maiksing note o mensahe ang reregaluhan mo para dama n’yo pareho ang pagbibigayan ngayong Pasko.
Usapang Bagets
By Ralph Tulfo