BUWAN NG Mayo nakaraang taon nang pinal nang inanusyo na ang One Direction ay magdaraos ng concert dito sa Pilipinas. Ang maituturing na pinakasikat na grupo na ito sa buong mundo, na sumunod sa yapak ng all-time favorite boy bands na Westlife, Backstreet Boys at NSync ay bibisita rito sa ating bansa sa darating na March 21.
Kaya ang mga bagets ngayon lalo na ang mga kababaihan ay hinihiling na laktawan na ang buwan ng Pebrero hindi dahil bitter sila na walang ka-date o hindi dahil niloko ng ex o bitter dahil No Boyfriend Since Birth sila, kundi dahil mas kinakapanabakin nila ang kanilang Best Date ever with One Direction. Kaya kung bitter man sila dahil Single Awareness Day para sa kanila ang darating na Pebrero 14, hindi naman nila iniinda ito kung ilang tulog na lang din naman, mahaharana na rin sila ng kanilang iniidolo na mga miyembro ng One Direction.
Ang nasabing concert ay gaganapin sa SM Mall of Asia Grounds. Kasama ang Pilipinas sa kanilang world concert tour na pinamagatang “On The Road Again”.
Ang English-Irish Pop Boy Band na kinakikiligan ng mga bagets ngayon ay binubuo nina Niall Horan, Zayn Malik, Liam Payne, Harry Styles, at Louis Tomlinson. Sila ay sumikat nang sumali sa The X Factor London noong taong 2010. Hindi man nila nakamit ang titulo bilang kampyon ay pumwesto sila bilang pangatlo, hindi na rin ito masama dahil kitang-kita naman na malayo na rin ang narating nila. Talaga nga namang tinangkilik ng mga kabataan sa buong mundo ang kanilang mga kanta gaya ng What Makes You Beautiful, One Thing, Best Song Ever at maraming-marami pang iba. Kay bilis nga naman ng kanilang pagkamit sa tagumpay.
Waging-wagi ang One Direction sa puso ng mga kabataan dahil sa kakaibang timpla ng kanilang musika. Para bang lakas maka-bagets ng kanilang mga kanta. Mapa-lalaki o mapa-babae, iniidolo sila. Hindi rin naman maitatanggi na dagdag pogi points din ang kanilang kagwapuhan sa mga kababaihan at mga beki nating kaibigan.
Ang kanilang mga albums na Up All Night, Take Me Home at Midnight Memories ay talaga namang naging top grossing. At ang mga hits nilang What Makes You Beautiful, Live While We’re Young at Story of My Life ay nanguna sa billboard hit charts mula 2011 hanggang 2013. Sila rin ay nakatanggap ng mga samu’t saring papuri dahil sa kanilang kakaibang istilo sa pagkanta na talaga namang in na in sa mga bagets. Nag-uwi rin sila ng maraming parangal gaya ng apat na Brit Awards at apat na MTV Awards. At noong 2012 sila ay hinirang na Top New Artist ng Billboard.
Kaya naman nang napabalita ang kanilang magaganap na concert dito sa Pilipinas, agad-agad itong naging trending sa lahat ng social networking sites. Inanunsyo rin noon na may magaganap na pre-selling ng tickets ng May 23. Pero akalain n’yo ‘yun, May 19 nang kinumpirma ang kanilang konsiyerto, pagkalipas ng apat na araw, may bentahan agad ng tickets na magaganap, agad-agad! Ito ay gaganapin sa MOA Arena. Nagkaroon pa nga ng probisyon na ang unang 15,000 na buyers ng tickets na darating sa venue sa loob ng 8am hanggang 2pm ang siyang pahihintulutang makabili ng tickets. Para naman mapagbigyan ang iba pang fans na nag -iipon pa na makabili pa sa ibang araw. Ibig sabihin ganito na lang ang kanilang pag-e-expect na talagang dudumugin ng bagets ang pre-selling na ito.
Kaya hindi naman kataka-taka, hindi pa nagaganap ang One Direction concert sa bansa, ay masusundan agad ito ng Part 2 concert.
Kaya mga bagets, tingnan mo nga naman, wala man kayong date sa darating na February 14, magiging extended naman ang love month hanggang Marso dahil sa inyong best date ever kasama ang One Direction.
Usapang Bagets
By Ralph Tulfo